PEBRERO 6, 2001
ni Greg Bituin Jr.
nagbabaga ang takipsilim
ng Pebrero sais na yaon
nagdugo ang araw sa kanluran
tumatangis, nagngangalit
iyon ang Pebrero sais
ng lahat ng Pebrero sais
ang mga manggagawa’t
maralita’y nagdalamhati,
ang mga kababaihan
at kabataa’y nagluksa
kahit mga ibon sa papawirin
ay humuni ng pagluha
habang humahalakhak
ang mga buwitre
at siyang-siya
nagmarka ang pangyayaring yaon
at sumugat sa pakikibaka
ng mga obrero at ang pilat
na nilikha niyon ay humihiyaw
ng pagbangon at pagpapatuloy
ng nasimulang laban
at tulad ng binhing natuyo,
nalibing sa lupa, at tumubo
bilang isang matatag na punong
di basta-basta mabubuwal
ang pagkatanim ng kanyang
kalansay sa lupa’y
nagpapahayag
ng muling pagsilang,
paglago, at muling paglawak
ng kilusang manggagawa upang
tuluyang burahin ang mga buktot
na mamumuhunan at mga burgis
at naghahari-harian sa lipunan
iyon ang Pebrero sais
ng lahat ng Pebrero sais
pagkat sa araw na iyon
naging martir
ang dakilang proletaryo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento