Huwebes, Hulyo 2, 2009

Ang Binhing Itinanim sa Matabang Lupa ng Rebolusyon

ANG BINHING ITINANIM SA MATABANG LUPA NG REBOLUSYON
ni Greg Bituin Jr.

(Ang tulang ito’y binasa ng makata sa harap ng maraming tao sa Ka Popoy’s marker, UP Bahay ng Alumni, Pebrero 6, 2005)

ang buto ng mangga pag itinanim ay nagbubunga ng masarap na mangga

kapag binhi ng palay ay inihasik ng magsasaka sa lupa, nagbubunga ito ng palay, na nagiging bigas at kaning pantawid-gutom sa masang maralita

ang binhi ng rosas kapag itinanim at inalagaan ay nagbubunga ng magandang bulaklak na maiaalay sa magagandang dalaga

ang binhing itinanim sa matabang lupa ng rebolusyon ay magbubunga ng tunay na pagbabago sa lipunan

ang binhing itinanim ni Ka Popoy sa puso’t isipan ng uring manggagawa, na mula sa bunga ng diwa’t karanasan nina Marx, Engels, Lenin, Crisanto Evangelista, Asedillo, at iba pang lider-manggagawa, ay kailangang tuluy-tuloy na alagaan, diligan at pagyamanin ng mapagpalang kamay ng manggagawa nang sa gayo’y magbunga ng kalayaan ng uri mula sa sistemang mapagsamantala

ang binhing iyon ay nagmula sa pagiging matatag niyang puno ng kilusang paggawa

nagsimula siyang kasapi ng Samahang Demokratiko ng Kabataan nuong panahong umiiral ang kamay na bakal

matyaga niyang pinag-aralan ang mga akda nina Marx, Engels at Lenin, kasabay ng pagtatanong at pagmamasid kung bakit ganito ang lipunan, kung bakit napakaraming naghihirap habang ang iilan lang ang yumayaman, kung bakit may inaaliping manggagawa at may kapitalistang gahaman

at mula sa pangarap na baguhin ang lipunan ay kanyang itinatag ang sosyalistang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sanlakas, Kapatiran ng mga Pangulo ng Unyon sa Pilipinas (KPUP), at ang Partido ng Manggagawa (PM) ang huli niyang proyekto

naging gulugod siya ng Lawin 35, Kilusang Rollback, Congress for Labor Unity at panawagang Resign All

naging balikat sa laban ng Freedom Island, Temic, Philippines Air Lines, at marami pang iba

naging kasangga sa laban ng mga maralita para sa laban sa katiyakan sa paninirahan

at sabi ng iba’y naging kalihim pa siya ng Partido ng Manggagawang Pilipino

at patuloy pang lumalago ang kanyang mga itinanim, nagkasanga, at naging matatag na puno

hanggang sa pinitas ng punglo ang taglay niyang buhay

ah, nakapanginginig ng laman at nakapagngangalit ng bagang ang pagkapaslang sa kanya

at tulad ng binhi’y itinanim ang kanyang katawan sa tigang na lupa

mga kasama, tulad ng iba pang martir na lider-manggagawa, ang binhing itinanim sa matabang lupa ng rebolusyon, ay patuloy nating pagyamanin, diligan at alagaan

hanggang sa ito’y magbunga ng ganap na paglaya


Walang komento: