Huwebes, Hulyo 2, 2009

Nasaan ka, kasamang Carlos Forte? - ni Greg Bituin Jr.

NASAAN KA, KASAMANG CARLOS FORTE?
ni Greg Bituin Jr.
(nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 18)
Ang alyas na Carlos Forte ang umano’y ginamit na koda ni Ka Popoy Lagman noong nabubuhay pa

Ang dugo mong tumilamsik at natuyo sa tigang na lupa ay isang sakripisyong hindi mawawaglit sa aming isipan

At ngayon, kasamang Carlos Forte, nakikita ka namin sa karamihan ng naghihirap na naghahangad ng pagbabago sa lipunan

Nasa mga kuyom na kamao ka ng mga aktibistang nagrarali sa Mendiola

Nasa mga mata ka ng mga organisador na handang ilaan ang kanilang panahon at kakayanan para sa ikalalaya ng masa

Nasa mga sikmura ka ng mga maralitang inalisan ng bahay ng mga berdugo, kaya ngayo’y walang matirhan at nagugutom

Nasa mga nangangalog na tuhod ka ng mga vendors na nilalapastangang parang hayop sa lansangan

Nasa mga lalamunan ka ng mga magsasakang inagawan ng lupang sinasaka

Nasa mga dibdib ka ng mga kababaihang pinagsasamantalahan, at ngayo’y humihingi ng hustisya

Nasa mga payat na bisig ka ng mga manggagawang biktima ng kontraktwalisasyon

Nasa mga noo ka ng mga estudyanteng nagninilay kung bakit may kakaunting mayayaman habang laksa-laksa ang naghihirap

Nasa mga luha ka ng mga magulang ng dalawang sanggol na namatay sa marahas na demolisyon sa Navotas

Nasa mga ugat ka ng mga aktibistang patuloy sa pagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa kabalintunaan ng lipunan

Nasa mga dugo ka ng mga desaparesidos na sapilitang dinukot at ngayon ay hindi pa natatagpuan

Nasa mga buto ka ng mga bilanggong pulitikal na naghahanap ng katarungan at kalayaan

Nasa mga bungo ka ng mga maralita’t manggagawang pinaslang ng mga berdugo ng estado’t kapitalista

Kasamang Carlos Forte, hangga’t lugmok sa katinuan ang naghaharing iilan

Hangga’t nakatitigatig ang mga ngisi ng mapang-aping gahaman

Hangga’t nababagabag ang mga manggagawa’t maralitang nahihirapan

Hangga’t may takot na nananahan sa bawat pitlag ng puso ng karamihan

Hangga’t ang bawat hataw ng kapitalismo ay nakahihiwa ng laman

Naririto ka, kasamang Carlos Forte

Naririto ka sa bawat dalamhati ng masang lumalaban para sa kanilang karapatan

Naririto ka sa bawat pasa ng mga aktibistang nagnanais pumiglas sa higpit ng tanikala

Naririto ka sa bawat sugat ng mga manggagawang patuloy na nakikihamok sa lupit ng sistema

Naririto ka, kasamang Carlos Forte, at patuloy kang dumadaloy sa dugo ng mapagpalaya

Walang komento: