Miyerkules, Pebrero 4, 2009

Marker, Pinasinayaan - pahayagang Obrero

MARKER SA ALAALA NI KA POPOY, PINASINAYAAN NG PAMILYA'T MGA KASAMA
ni Greg Bituin Jr.

(Nalathala ang artikulong ito, kalakip ang isang litrato, sa pahayagang Obrero, Marso 2004, pahina 8)

Tatlong taon makalipas ang pagpaslang kay Filemon "Ka Popoy" Lagman, nananatiling mailap ang hustisya. Tatlong taon makalipas, naghahanap pa rin ng katarungan para sa pinaslang na lider-obrero, hindi lang ang pamilya ni Ka Popoy, kundiang mga manggagawa't aktibista na sa kanilang pakikibaka ay naging bahagi si Ka Popoy.

Kasabay ng ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni Ka Popoy noong Pebrero 6, 2004, isang marker sa mismong lugar kung saan siya nalugmok ang inihandog ng pamilya't mga kaibigan bilang paalala sa kabayanihan ng dating chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Matatandaang noong Pebrero 6, 2001, walang awang pinaslang si Ka Popoy ng mga di pa nakikilalang salarin sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman.

Mismong ina ni Ka Popoy ang nagtanggal ng pulang tela na nakatalukbong sa marker. Nakaukit sa bandang kanan ng marker ang larawan ni Ka Popoy, habang sa bandang kaliwa naman ay nakasulat ang dalawang mensahe: Una, isang quotation na hiniram kay Friedrich Engels sa kanyang eulogy kay Karl Marx, at ang ikalawa ay mula sa sulat ni Ka Popoy sa kanyang asawa noong Hunyo 27, 1979 hinggil sa pagkakapaslang sa kanyang mahal na asawa at kasama sa pakikibaka na si Dodie Garduce. Sa itaas naman ay nakasulat: Filemon "Ka Popoy" Lagman, Working Class Hero.

Sa umaga, nagpunta ang pamilya, mga kasama't kaibigan ni Ka Popoy sa kanyang puntod sa Marikina at nag-alay ng bulaklak. Bandang hapon naman nang magtungo sila sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman upang pasinayaan ang pagkakalagay ng marker. Nagsidalo rin dito ang mga kinatawan at kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido ng Manggagawa (PM), Sanlakas, SUPER, Women Rage, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), ZOTO, Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK), Freedom from Debt Coalition (FDC), ASAMBA (Sitio Mendez), YWAP, Teatro Pabrika, atbp.

Kaugnay nito, nagbigay naman ng isang privilege speech sa Kongreso si Sanlakas representative JV Bautista na may pamagat na "Tribute to a True Hero of the Working Class and a Valiant Son of the Filipino Nation".

Dito'y nanawagan ang Sanlakas ng muling pag-iimbestiga sa pagkapaslang kay Ka Popoy. Sinabi rin ni Rep. Bautista na dapat lamang isalaysay sa Kongreso ang buhay at pakikibaka ni Ka Popoy Lagman, na tinawag niyang "one of the greatest social revolutionaries of our times".

Ayon naman kay Ka Romy Castillo ng BMP, sinabi sa kanya ni Ka Popoy noong nabubuhay pa ito na ang lahat ng manggagawa't aktibista ay dapat magpakadalubhasa sa dyalektiko-materyalismo, at basahin din ng buong puso ang mga akda nina Karl Marx, Friedrich Engels, at V. I. Lenin. Idinagdag pa niya, "Hindi lamang dapat dakilain at alalahanin si Ka Popoy, kundi higit sa lahat ay tularan siya at isagawa rin ang kanyang mga isinakripisyo. Nabawasan man tayo ng isang lider-rebolusyonaryo, ay lilikha tayo ng libu-libong rebolusyonaryo."


* Picture caption - "Hindi nililimot ang mga nabulid sa dilim ng gabi!" Klasiko ang kasabihang ito sa pagkamatay ng mga bayani, tulad nina Andres Bonifacio, Ninoy Aquino, at Ka Popoy Lagman. Sa larawan, makikita ang pamilya't mga kaibigan ni Ka Popoy nang pasinayaan ang marker bilang paalaala sa kanya.

Walang komento: