Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Komite Sentral
February 11, 2001
Filemon 'Popoy' Lagman
Sinsero at Dedikadong Lider-Manggagawa
Bandang alas-singko y beinte ng hapon noong Pebrero 6, nang patigilin ng isang punglo na mag-isip ang utak ng isang taong ang laging nasa ulo ay ang kapakanan ng uring manggagawa. Ang walang kapagurang katawan ng dedikadong lider-manggagawa ay pinagpahinga ng mga salarin at tuluyang nang napahinga nang ideklara ng mga duktor sa ganap na alas-nuwebe ng gabi na wala na si Ka Popoy.
Di-masukat na kawalan sa kilusang manggagawa, partikular at sa kilusan ng mamamayan, sa pangkalahatan, ang pagkamatay ng taong ito. Di magtatagal, mararamdaman ang malaking kawalang iniwan niya.
Habang ang mga reaksyonaryong pwersa sa bansa ay abala sa paghahati-hati sa pwersa ng paggawa; habang ang iba't ibang progresibong pwersa ay abala sa kanilang sektaryong aktibidad, ang taong ito ay ibinubuhos ang lahat ng kanyang panahon at kakayahan, nag-iisip ng mga paraan para pagkaisahin ang kilusang manggagawa.
Sapagkat sa kanyang paniniwala, sa pamamagitan lang ng pagkakaisa ng manggagwa sa paniniwala at layunin, mauumpisahang marinig ng lipunan ang boses ng mga manggagawang bumubuhay sa lipunan ngunit pinagkakaitan ng mismong lipunang kanyang binubuhay ng mga batayang pangangailangan para mabuhay nang disente at marangal. Siya'y naniniwalang ang uring manggagawa lamang ang may kakayahang pamunuan ang rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan.
Sa paniniwalang ito umiikot ang kanyang mga aktibidad sa bawat oras ng kanyang buhay. Mula nang humiwalay siya sa Maoistang PKP ni Sison, pinangunahan niya ang pagsusuri sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan at manggagawa sa Pilipinas at ang naging produkto ay ang tinatawag na counter-thesis - isang librong kritikal sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (LRP) at Program for a People's Democratic Revolution (PPDR) ni Guerrero.
Nakapagsulat siya ng mga dokumento na nagsilbing napapanahong linya ng martsa ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa. Ang mga ito ang nagsilbing gabay para sa rebolusyonaryong kilusan tungo sa ating minimithing lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala.
Hindi lang iyan ang iniambag ni Ka Popoy sa rebolusyonaryong kilusan. Dahil sa pagkilos niya nang hayag, nakatulong ang kanyang bukas na isipan at ang pagkauhaw sa bagong kaalaman sa pag-unawa sa praktikal na buhay ng mga uri at indibidwal. Ito ang nagbigay sa kanya ng bentahe sa paglutas ng mga suliraning kinahaharap ng mga manggagawa at ng kilusang kanyang pinamumunuan. Dahil rin dito, naging ispesyalisado siya sa sining ng negosasyon nang walang ipinanakot na armas, nang di ikinokompromiso ang kapakanan ng manggagawa at maralita.
Nakilala si Ka Popoy sa pakikibaka, bilang kampeon ng uring manggagawa at ng mga maliliit. Naturalesa niya ang makibaka, at ang lalim, giting at tagumpay niya rito'y iilan lamang ang makakatumbas.
Masasabing perfectionist si Ka Popoy. Hindi pinaliligtas ang maliliit na detalye ng isang bagay. Kapag natukoy na niya ang problema, hindi na niya tatantanan ito hanggang hindi mabigyan ng depinidong solusyon. Hahanap at hahanap ng daan. Gagawa at gagawa ng paraan.
Pero dahil sa dedikado at sinserong pagsisilbi sa adhikain ng manggagawa marami siyang naging kaaway, hindi lang sa hanay ng mga naghaharing uri kundi sa mismong hanay ng kaliwa na hindi lubos na nakakaunawa sa kalagayan at adhikain ng uring manggagawa. Mga alitang nabuo dahil sa pagkakaiba sa ideolohiya at praktika, sa linya at taktika.
At ngayon, si Filemon 'Ka Popoy' Lagman ay namahinga na. Hindi dahil sa labis na pagkapagod sa pakikipaglaban para sa uring manggagawa kundi dahil siya ay pinatay ng mga kalaban ng manggagawa na nag-akalang dito matatapos ang laban ng uri, ang laban ni Popoy. Sila'y nagkakamali.
Ang kanyang pangalan ay hindi malilimutan. Ang kanyang mga ginawa ay magsisilbing bantayog sa puso ng mga manggagawa. Ang ipinamalas niyang debosyon sa adhikain ng uring manggagawa ay maihahantulad sa mabuting binhing isinabog sa matabang lupa ng pakikibaka.
Mabuhay si Ka Popoy! Ituloy ang Laban!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento