Hindi Kami Nangulila!
(sa ika-20 na taong paggunita sa pagpaslang kay Filemon "Ka Popoy" Lagman)
Hindi kami mangungulila
Agnas na katawang lupa
Kahit pinayapa
Ng magpakailanman
Hindi kami mangungulila
Dalawampung taong nagdaan
Presensyang di kawalan
Dahil buhay pa sa isipan
Paano kami mangungulila?
Kung galit ang niluluha?
Guguhit pa rin sa kamalayan
Dugong dumanak,
Tinggang bumutas
Lamang sumambulat
Sumabog na utak!
Di kami mangungulila
Unos kaming sa pampang, sisira
Mamumuong puyo sa sigwa
Mananalanta,
Manggigimbal,
Sa mga pusong natutulog
Nabingi na sa takot
Sa lantarang panghuhuthot
Mga taong nakaluklok
Sa poder na binubukbok
Ng ganid sa kapangyarihan
Kabuktukan
Mga pangakong masarap pakinggan
Hinehele sa bangungot
Duyan ng sistemang bulok
Hihiluhin ang mahuhulog
Hanggang reyalidad ang malimot
Di kami mangungulila
Dahil lagi Kang mananariwa
Kape sa kumukulong sikmura
Nagpapagising sa makauring diwa
Nakapinid na mata
Mumulatin, bulag na masa
Sigarilyo sa butas na baga
Ubong papatay sa hininga
Plemang sisikil
Lalamunang sinungaling
Bungangang sakim
Kanser sa bayan, lilipulin!
Di kami mangungulila
Dahil sa aral Mong nasa kalooban
Kinuyom sa kamaong lumalaban
Kinawit sa bisig ng sambayanan
Laman ng bawat sigaw sa lansangan
Sa amin,
Hindi Ka nagmaliw
Hindi Ka nawala
Hindi,
Hindi kami nangulila
--Nathaniel Panganiban
* mula sa FB post ni Din Panganiban, Pebrero 6, 2021
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento