Ginugunita natin ngayon ang ika-20 taong anibersaryo ng patraydor na pagpaslang kay Ka Popoy Lagman, BAYANI NG URING MANGGAGAWA, REBOLUSYONARYO at SOSYALISTA.
Bayani ng uring manggagawa, sapagkat naging inspirasyon ng napakaraming pakikibaka ng manggagawa at walang pagod na ginampanan ang pagkaisahin ang malawak na bilang ng mga manggagawa.
Matapos makalaya sa pagkakulong noong 1994, sunod-sunod na mga proyekto ang kaniyang ginawa para sa interes at kapakanan ng mga manggagawa at para pagkaisahin ang uring manggagawa.
Ilan dito ay pagkakabuo ng National Confederation of Labor o NCL na binubuo ng malalaking federations. Nabuo rin ni Ka Popoy ang Kapatiran ng mga Pangulo ng Unyon sa Pilipinas o KPUP na binubuo ng mahigit 1,000 pangulo ng unyon sa ating bansa.
Sa pangunguna ni Ka Popoy nailunsad ang ibat-ibang laban sa interes ng mga manggagagwa. Naikasa ang malawakan na pakikibaka para sa dagdag na sahod ng mabuo ang LAWIN 25. Inilunsad din ang TENT CITY sa Batasang Pambansa para sa kahilingan na P108.00 na dagdag na sahod. Naitala rin sa kasaysayan ang mapangahas at buong-loob na laban ng mga manggagawa sa TEMIC… na Labor Power. Nailarga rin ang isang kampanya para sa radikal na pagpapabago sa Labor Code… ang CBA ng Uri na kung saan ito ay kulumpol ng mga kahilingan na totoong tumutugon para sa kapakanan at interes ng uring manggagawa.
Nang maging tagapangulo ng BMP, isinulong ni Ka Popoy ang pagtatayo ng isang Law Office para sa mga manggagawa… ang LAGMAN LAW OFFICE. Nariyan din ang plano sa pagtatayo ng Workers Academy at Workers Bank.
Upang magkaroon ng boses ang mga manggagawa sa Kongreso, sa pamumuno ni Ka Popoy ay pumasok tayo sa labanan sa eleksyon. Tumakbo at nanalo ang SANLAKAS sa unang party-list election na kung saan ang unang tatlong nominees ng Sanlakas ay mula sa mga hanay ng mga manggagawa o tatlong pangulo ng unyon.
Rebolusyonaryo, sapagkat nais ni Ka Popoy ng isang radikal na pagbabago (hindi “Change is Coming” o tayo ay na Scam!), na ang nasa unahan ng radikal na pagbabagong ito ay ang uring manggagawa.
Ngayon na mayroon tayong kampanyang CBA NG URI, naalala pa namin sa BMP ST sa pangunguna ni Ka Popoy kasama ang mga rebolusyonaryo ang nakaisip para ikampanya ito noong panahon ni Ramos. Sa ngayon patuloy nating ikakampanya ito, at sa kampanyang ito, turuan nating bungkalin ng masa kung gaano kainutil ang sistemang kapital na nirerepresenta ng gobyerno ni Duterte.
Sa kasalakuyan, ayon sa datos ang Pilipinas sa ilalim ng gobyerno ni Duterte ay pang 79 sa 90 bansa sa usapin ng pagresponde sa Covid 19, ibig sabihin isa sa mga nahuhuling bansa ang Pilipinas sa pag responde sa pandemya dulot ng Covid 19.
Isa pang datos ayon sa 2020 CORRUPTION PERCEPTION INDEX, ang Pilipinas sa gobyerno ni Duterte ay nasa rangko na 115 sa 180, ibig sabihin inutil ang gobyerno sa impact ng sa pag responde ng corruption sa gobyerno, pagresponde sa Covid 19 at sa usapin ng Health Care.
Masasalamin din ang kainutilan ng gobyerno sa milyong-milyong nawalan ng trabaho. Sabi nga ng OXFAM, ang mga mayayamang tao sa mundo ay naka rekober na sa pandemya, subalit ang mga mahihirap ay dekada pang taon ang lalakbayin para medyo makarekober sa pinsala ng pandemya.
Sa halip na gamutin ang krisis sa kalusugan sa pamamagitan ng mass testing, contact tracing at isolation ang covid 19, ano ang unang ginawa ng gobyernong ito?
Tuloy-tuloy pa rin ang state-sponsored killings o mas kilala na EJK, isinabatas ang Anti-Terror Law, malawakan na Red Tagging, Pananakot, Pagdakip at pag paslang, lalo na sa mga progresibong individual at grupo at pagkitil sa academic at press freedom. Imbes na gamutin ang krisis sa kahirapan na bunga ng pandaigdigang resesyon, ang gustong gawin ng gobyernong Duterte ay baguhin ang pang ekonomiyang probisyon ng ating saligang batas, ibig nang ibenta o ipamigay ang Pilipinas sa mga dayuhan, 100% nang pwede nang ariin ng mga dayuhan ang mga korporasyon, lupa, lalong lala ang pagmimina at pati dagat at mga kagubatan ay pwede na nilang ariin. Na alam naman natin na magpapahirap lalo sa masang Pilipino dahil mawawala ang control ng mga batas dito at lalo nang lala ang kontraktwalisasyon.
Wala rin ginagawa ang rehimeng Duterte sa mga nagtatasang bilihin, dagdag na bayarin sa kuryente at dagdag na sahod para sa mga manggagawa. Ang ginagawa naman sa krisis pang klima ay puro ayuda lang, walang talagang programa tungkol sa Risk Mangement at pagbabawal sa mga fossil energy tulad ng coal fired power plant at walang komprehensibong programa sa renewable energy.
Sosyalista si Ka Popoy, sapagkat pinangunahan niya ang pagbibigay ng tamang direksyon ng laban ng uring manggagawa. Mula sa pambansang demokrasya (national democracy) na katangian at oryentasyon ng ating organisasyon ay itinama ni Ka Popoy na maging sosyalista ang katangian at oryentasyon ng ating organisasyon.
Ang tatlong mahahalagang gawain, ang MAGMULAT, MAG-ORGANISA at MAGPAKILOS, ang siyang hindi makakalimutang mga habiling gawain ni Ka Popoy, na dapat kasabay nito ang sayantipikong “Kongkretong Pagsusuri sa Kongkretong Kalagayan”. Sapagkat ito ang mga sangkap para sa ating mga pakikibaka upang magtagumpay, lalo nang may mga kampanya tayong kinakasa, tulad nang CBA NG URI, SAHOD, PABAHAY at sa MERALCO, upang ito ay maikampanya hindi lang sa mga unyon kundi sa lahat ng masang organisasyon. Nasa oras na mag-deadlock pwede nang ikasa ng masa ang welgang bayan patungong Rebolusyon.
Ating isaisip ang mga aral at sinulat ni Ka Popoy para sa tagumpay ng ating mga pakikibaka!
Mabuhay ang Uring Manggagawa, Ituloy ang Rebolusyon, Sosyalismo sa Tunay na Pagbabago!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento