Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Pebrero 6, 2021
Ngayon ang ika-20 anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy Lagman, tagapangulo ng Bukluran (1996-2001), bayani ng uring manggagawa at dakilang lingkod ng adhikain para sa totoong progreso sa masang anakpawis.
Sa dalawampung taon, naging saksi tayo sa malaking mga pagbabago sa pandaigdigang kapitalistang sistema - ang bagong teknolohiya sa produksyon at komunikasyon, ang paglakas ng ekonomya ng Tsina na naging "factory of the world", ang paglobo ng yaman sa "casino economy", ang urbanisasyong tinulak ng pinansya at ispekulasyon sa halaga ng lupa, ang paglaki ng sektor ng serbisyo kumpara sa agrikultura't industriya.
Subalit sa ipinagmamalaking progreso, hindi sumabay (at napag-iwanan pa nga) ang masang walang pag-aari kundi ang kanilang lakas-paggawa. Ito ay gamundong inhustisyang mas lumawak at lumalim sa nagdaang dalawang dekada. Inhustisya na sa ngayon ay nasa anyo ng krisis sa kalusugan, kabuhayan, klima, at karapatan na bumabatbat sa manggagawa't mamamayan dulot ng pandemya, resesyon, pagkasira ng ekolohiya, at pasistang atake ng rehimeng Duterte sa mga batayang karapatan ng mamamayan. Kawalang katarungan na maihahalintulad sa kaso ng pamamaslang kay Ka Popoy Lagman.
Nananawagan tayo sa mga kasapi ng Bukluran at lahat ng naghahangad ng lipunang walang kahirapan at pagsasamantala ng tao sa tao. Sariwain ang mga aral at karanasang ibinahagi ni Ka Popoy sa kilusang paggawa at rebolusyonaryong kilusan. Magsilbi itong gabay sa ating araw-araw na pagkilos at pakikibaka. Isabuhay ang mapanlabang diwa ni Ka Popoy, na natatanging paraan para mabigyan natin ng hustisya ang buhay na kanyang inalay sa uring manggagawa at sa ganap na pagbabagong panlipunan.
Tuloy ang laban para sa kabuhayan, kaligtasan, kapakanan, at kapangyarihan ng uring manggagawa!
Hustisya para kay Ka Popoy! Hustisya sa manggagawa at masang anakpawis!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento