Linggo, Pebrero 6, 2022

Ka Popoy Lagman - tula ni Greg Bituin Jr.

KA POPOY LAGMAN

estudyante pa ako nang una siyang makita
mula sa pagkapiit ay kalalaya lang niya
simpleng tibak lang ako, estudyanteng aktibista
hanggang napagkikita ko siya sa opisina

kaya pala, nag-above ground na pala siya niyon
habang ako'y istaf pa ng dyaryong pangkampus noon
magaling siyang magpaliwanag ng nilalayon
bakit sistemang bulok sa lupa'y dapat ibaon

magaling na lider na isang paa'y nasa hukay
iminulat ang manggagawa sa magandang pakay
na magkapitbisig, sosyalismo'y itayong tunay
inspirasyon sa manggagawa upang magtagumpay

lumabas din siya sa debate sa telebisyon
naipanalo ang Sanlakas noon sa eleksyon
sa mga manggagawa'y nagbigay ng edukasyon
isinulat ang pagsusuri tungong rebolusyon

nagsulat siya sa Tambuli hinggil sa Paggawa
iyon ang magasin ng Bukluran ng Manggagawa
sa Tambuli, ako'y nagsulat ng akda't balita
natigil iyon at dyaryong Obrero'y nalathala

karangalan nang makasama siya sa magasin
isang bayani ng paggawa kung siya'y ituring
mabuhay ka, Ka Popoy Lagman, lider na magiting
salamat sa iyo sa mga aral mo sa amin

- gregoriovbituinjr.
02.06.2022

* Ka Popoy Lagman, Working Class Hero
(Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001)

Walang komento: