Ang pahayag na ito ay ipinamahagi sa maraming tao habang nagmamartsa ang may 2,000 manggagawa't maralita mula Loyola Memorial Park sa Marikina hanggang sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2011.
PAHAYAG ng Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib) sa ika-10 Anibersaryo ng Pagpaslang kay Ka Popoy Lagman
Katarungan kay Ka Popoy Lagman!
Katarungan sa Uring Manggagawa!
Isang dekada na ang nakalipas mula nang paslangin ng mga kriminal si Ka Popoy Lagman sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas. Kakaupo pa lamang noon ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo bilang pangulo mula sa pagpapabagsak sa administrasyon ni Erap ng kung tawagin ay Edsa Dos.
Noong panahong iyon, masiglang ginagampanan ni Ka Popoy Lagman, ang pangkalahatang kalihim ng Partido ng Manggagawang Pilipino, ang pagpapalakas sa kilusang manggagawa sa pamamagitan ng pagpupundar ng mga kinakailangang sangkap para sa interes ng uring manggagawa. Mga sangkap tulad ng elektoral na partido ng manggagawa, kapatiran ng mga pangulo ng unyon, bangko para sa manggagawa, dyaryo ng manggagawa at mga proyekto na makakapagpalakas sa laban ng uring anakpawis.
Ngunit sa kasawiang palad tinapos ng mga bala ng mga salarin ang mga ambisyong ito para sa pagkakaisa, pagbwelo at paglakas ng kilusan ng manggagawang Pilipino.
Si Ka Popoy ang isa sa matigas at matalas na lider-manggagawang lumaban sa mga kontra-manggagawang patakaran ng gobyernong kapitalista at ng pandaigdigang sistema ng imperyalistang globalisayon.
Noon pa man ay inihayag na ni Ka Popoy ang panganib ng kontraktwalisasyon sa paggawa na pinauuso ng mga kapitalista, ang pagkitil sa mga karapatang manggagawa at pagwasak sa unyonismo sa bansa at sa buong daigdig na bumabawi sa mga tagumpay ng kilusang manggagawa sa nakaraang mahigit sandaang taon.
Ang globalisasyon ang delubyo sa kilusang paggawa. Ang globalisasyon ay dinesenyo ng mga kapitalista para makaahon sa bumababa na tantos ng tubo (rate of profit) at makaahon sa krisis ng kapitalismo. Noon pa man sinabi na ni Ka Popoy na puputok ang krisis sa unang dekada ng milenyo, at kailangang paghandaan ito sa pamamagitan ng pagpapalakas sa organisasyon at pakikibaka ng manggagawa. Di nagkamali si Ka Popoy, pumutok ang krisis noong 2008-2009 na sinindihan ng housing bubble at financial crisis sa US na nagdulot ng pagkalugi, sarahan at pagtumal ng negosyo, pagkawala ng trabaho at hanggang sa kasalukuyan ay di malaman ng uring kapitalista kung paano makakaahon.
Dahil sa pangunguna at pamumuno ni Ka Popoy sa laban ng manggagawang Pilipino, bala ang pinasabog sa kanyang ulo ng mga ahente ng kapital. Pinigil at inampat ang pag-unlad at pagbwelo ng kilusang manggagawang Pilipino.
Nawalan ng isang magiting na lider at guro ang manggagawang Pilipino na gagabay sa pagsulong ng kilusan. Ngunit ang dakilang ideya para sa paglaya at emansipasyon ng manggagawa ay di mapapatay hangga’t di nawawala ang pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan. Uusbong at mamumulaklak sa hanay ng manggagawa at mga intelektwal ang maraming lider na magtutulong-tulong para makamit ang adhikain ng uri.
Nakahain sa uring manggagawa at sa mga lider at kasapi ng Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib) ang hamon na ipagpatuloy ang mga nasimulan ni Ka Popoy, paunlarin at palakasin ang kilusang manggagawa hanggang sa magtagumpay ang uri para sa pagtatayo ng estado ng manggagawa.
Ang pagkakamit lamang ng emansipasyon ng uri at pagtatayo ng estado ng manggagawa ang magbibigay ng katarungan para kay Ka Popoy at sa uring manggagawa.
Walang maaasahan ang uring manggagawa kundi ang kanyang sariling uri upang patirin ang tanikalang nakagapos sa kanyang leeg. Ang ating kinabukasan bilang uri ay nasa ating mga kamay, nasa ating lakas at pagkilos.
Hindi dapat mawalan ng saysay ang kamatayan ni Ka Popoy at iba pang bayani ng uring manggagawa. Pag-alabin natin ang diwang ipinamana sa atin ni Ka Popoy, ang diwa ng walang pag-iimbot, sukdulang sakripisyo at taos pusong pagsisilbi sa interes ng uring manggagawa.
Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Pebrero 6, 2011
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento