KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
PRESS STATEMENT
Pebrero 6, 2011
Sa ika-10 anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy
HUSTISYA KAY KA POPOY!
HUSTISYA SA MANGGAGAWA’T MARALITA!
Ang isang kapitalista, lalo na yaong nagpahirap sa mga manggagawa, pag namatay ay tulad lamang ng gaan ng isang kilong bulak. Ngunit ang kamatayan ng isang kasamang matagal na nagsilbi sa uri at sa bayan, at itinuturing na bayani tulad ni Ka Popoy Lagman, ay simbigat ng isang bundok. Hanggang ngayon, isang dekada na ang nakararaan nang siya'y paslangin, nagdurugo pa rin ang puso ng maralita at nanggagalaiti sa galit dahil sa pagpaslang ng estado sa isang magiting na lider ng uri, si Ka Popoy Lagman. Namatay man ang kanyang katawan, ngunit ang kanyang adhikain para sa mga susunod na henerasyon ay mananatili. Nawala man siya ngunit naiwan sa mga lider-maralita ang asim ng kanyang pananalita laban sa mga naghaharing uri at tamis ng kanyang pangungumbinsi sa mga dukha't api.
Marami kaming natutunan kay Ka Popoy. Pangunahin dito ang landas ng uri, ang landas na dapat tahakin ng mga inaapi't pinagsasamantalahan ng sistemang ito, ng ganid na lipunang ito. Natutunan namin na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon pagkat ito ang ugat ng ating mga pagdurusa't kahirapan. Natutunan namin na may kapalit pa ang sistemang kapitalismong patuloy na yumuyurak sa ating dangal at lumulupig sa ating pagkatao. Natutunan naming dapat ipaglaban ang sosyalismo! Tangan ang gabay ng Marxismo-Leninismo, patuloy kaming magmumulat at makikibaka para sa katarungan, kalayaan at sosyalismo!
Sampung taon na mula nang siya'y paslangin, ngunit ang mga pumaslang sa kanya'y di pa nadadala sa pedestal ng katarungan! Ngayong Pebrero 6 habang ginugunita natin ang ika-10 anibersaryo ng kamatayan ng ating dakilang lider na si Ka Popoy Lagman ay muling nating isumpa na patuloy tayong kikilos para sa pagbabago ng lipunan, at itutuloy natin ang laban ni Ka Popoy, isang magiting na lider, matapang na kasama, at magaling na guro ng uring manggagawa. Walang bibitiw sa laban. Ipapanalo natin ang adhikain ng maralita’t uring manggagawa para sa pagbabago hanggang sa pagtatayo ng sistemang sosyalismo.
Kaya kaming mga maralita sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), kasama ang Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Piglas-Kabataan (PK), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng manggagawang nakikibaka upang palitan ang kapitalista't elitistang sistema. Ipakita natin sa buong sambayanan na sa paggunita natin sa ating dakilang lider, tayo'y kapitbisig na nagkakaisa laban sa bulok na sistema, sama-sama nating papatirin ang tanikala ng kahirapan at pagsasamantala, at handa nating itayo ang isang lipunang sosyalismo!
Ituloy ang laban ni Ka Popoy Lagman! Halina’t kumilos para sa tagumpay ng sosyalismo!
Hustisya kay Ka Popoy! Hustisya sa Manggagawa't Maralita!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento