http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Ika-10_anibersaryo_ng_kamatayan_ni_Ka_Popoy,_ginunita
IKA-10 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NI KA POPOY, GINUNITA
Katarungan para sa mga manggagawa ang sinigaw ng mga kamag-anak at kasamahan ng pinaslang na lider manggagawa na si Filemon “Ka Popoy” Lagman sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng kaniyang kamatayan kahapon.
Sa pangunguna ng mga mga kapamilya ni Lagman at ng Bukuran ng Manggagawang Pilipino (BMP), nagmartsa ang tinatayang 2,000 tagasuporta ng pamosong rebolusyonaryo mula sa puntod ni Lagman sa Loyola Memorial Park sa Marikina hanggang sa Bahay ng Alumni sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, kung saan siya pinaslang ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Ayon kay congressman Edcel Lagman ng Albay, ang nakatatandang kapatid ni Lagman, inialay ni Ka Popoy ang kaniyang buong panahon upang isulong ang interes ng mga manggagawa. “Siya ay nabuhay para sa mga manggagawa, at siya ay pinatay dahil sa kaniyang pakikibaka para sa interes nila,” aniya.
Saad naman ng Partido ng Manggagawang Pilipino (Pinagsanib), ang lihim na partidong itinatag ni Lagman, “ang pagkamit lamang ng emansipasyon ng uri at pagtatayo ng estado ng manggagawa ang magbibigay ng katarungan kay Ka Popoy at sa uring manggagawa.”
Ayon kay Edcel Lagman, ipagpapatuloy ng kanilang pamilya ang pakikibaka ni Ka Popoy sa pamamagitan ng pagtatag ng Filemon Lagman Foundation sa araw ng kaniyang kapanganakan, 17 Marso 2011. Aniya, ang naturang foundation ay tutulong sa mga manggagawang naaapi ng mga kompanya at sa mga manggagawang tinanggalan ng trabaho.
Ayon naman kay Leody de Guzman, tagapangulo ng BMP, ipagpapatuloy nila ang nasimulan ni Lagman sa pamamagitan ng pagpapaigting sa kampanya kontra kontraktwalisasyon at pagsulong ng living wage para sa mga manggagawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento