Miyerkules, Hunyo 25, 2008

Si Ka Popoy, ang Pragmatikong Leninista

SI KA POPOY, ANG PRAGMATIKONG LENINISTA
Sinulat sa orihinal na Ingles ni Dennis B. Mendiola, at isinalin sa tagalog ni Greg Bituin Jr. Hinango mula sa Letter to the Editor section ng Philippine Daily Inquirer, Pebrero 14, 2001. Nalathala ang bersyong tagalog na ito sa Abril-Hunyo 2001 issue ng pahayagang Taliba ng Maralita na inilathala ng grupong KPML.

Itinuturing siyang “bad boy” ng karamihan, kahit ng kanyang pinakamalalapit na “kaibigan”. Natatandaan ko ang isang pangyayari tungkol sa pagbabanggaan ng mga aktibista at mga sangganong pinakilos ng dating alkalde ng Kalookan, ang matandang Asistio. Ito’y isang pagkatalo, pero pinaglaban ng mga kabataang aktibistang pinangunahan ni Ka Popoy ang kanilang katwiran at dahil dito’y nakamit nila ang paghanga at respeto ng mga “Pasistios”. Nananaig sa larawan ng taong ito ang pagiging matigas at malupit, na naging dahilan ng pagkakaroon niya ng maraming kaaway at tagahanga. Ito ang kanyang gawi hanggang sa huli.
Isa pa sa kanyang mga kwento ay ang puna ni Lean Alejandro hinggil sa kanyang pagkatao. Ayon kay Lean, sadyang makakaakit ng maraming katunggali sa Ka Popoy dahil sa talas ng kanyang isip at di-pangkaraniwang ideya, na ipinahahayag niya sa paraang nakapandudurog. Nangunguna siya pagdating sa pakikibakang ideyolohikal. Si Jose Maria Sison lamang ang tanging makapaglalagay sa kabataang “Leninista” sa tamang pwesto. Nagsasabwatan ang kanyang mga kasama upang mabawasan ang kanyang malawak na impluwensiyang pulitikal at organisasyunal na partido. Isa siyang rebolusyonaryong “maverick”, hindi sumusunod sa opisyal na linya at polisiya dahil sa kanyang paniniwala at kumbiksyon. Isa sa kanyang paboritong inspirasyunal na mga kataga ay ang “kaisahan ng layunin” ni Lenin.
Napakagaling niyang magsulat. Sina De Quiros at Quijano ay maiinggit sa kanyang kaisipan at husay sa wika. Magmumukhang mapagpanggap ang mga Palanca awardees kung ikukumpara sa mga lakang-akda (obra maestra) ng taong ito.
Pero higit sa lahat, siya ay isang Leninista, isang pragmatiko. Pinapangarap niyang makuha ang kapangyarihan para sa at sa ngalan ng uring manggagawa, at maghahanap siya ng anumang paraan at gagamitin ang lahat ng paraang kaya niya para matupad ang kanyang inadhika ng habambuhay. Hindi siya umaasa sa personal na pang-akit at pagkakaibigan. Sa katunayan, nawala sa kanya ang kanyang mga matatagal nang kadre na kumalas sa kanyang partido dahil sa mga seryosong pagkakaiba sa loob ng organisasyon, at hindi man lang niya pinag-aksayahan ng panahong pabalikin sila. Binuo niya ang partisanong pakikidigma sa kalunsuran kaalinsabay ng lantad na rebolusyonaryong pagtangkilik sa uring manggagawa. Gumamit din siya ng manipulasyon at iba pang taktika sa mga lokal na halalang pulitikal. Para sa kanya, walang sagrado, walang banal. Lahat ng bagay ay nadadala sa bilis ng progreso at pagbabago. Anuman ang halaga, anuman ang layunin.
Hanggang sa huli, nananatili akong isang estudyante niya’t tagahanga.
Kung may isa mang tao na magagawang baligtaring patiwarik ang bansang ito, siya ‘yon.
Hindi na ako nagulat sa kanyang pagkamatay. Pero talagang nagdalamhati ako sa kanyang pagpanaw at tumula ang aking luha para sa kanyang ina.

- DENNIS B. MENDIOLA
093 San Lorenzo Ruiz Compound
Magsaysay St., Manggahan
1611 Pasig City

Talasalitaan:
Pragmatiko – may praktikal na pananaw; mas ang lahat ng anumang pangkasaysayan o pang-ideyolohikal na ideya ay isinasapraktika batay sa sitwasyon, kadahilanan at resulta
Leninista – tagasunod ng mga ideyolohiya at adhikain ng rebolusyonaryong Ruso na si Vladimir Ilyich Lenin
Maverick – independyente sa paninindigang pulitikal

Kung hindi mo mabasa ang ilang bahagi ng artikulo, maaari itong makita at mabasa sa ibang kuwadro. Mangyaring itutok ang cursor (arrow) sa larawan, at i-right click. At i-klik ang "Open link in new tab". At makikita na ito ng buo. Maraming salamat.

Walang komento: