MARAMING SALAMAT, KA POPOY
(Nalathala bilang editoryal sa Abril-Hunyo 2001 issue ng pahayagang Taliba ng Maralita ng grupong KPML)
“Ang payapang pampang ay para lamang sa matatapang na handang sumuong sa panahon ng unos.” – Khalil Gibran
Kung babalikan natin ang ating kasaysayan, minsan ng binalot ng karahasan ang ating lipunan nuong panahon ng batas-militar. Bagamat tinanggal na ito 20 taon na ang nakararaan ay hindi pa rin natin maitatanggi na patuloy pa ring binabalot ng karahasan ang ating lipunan. Apat na pangulo na ang nagdaan pero, para sa ating mga maralitang lungsod, ay wala pa ring pagbabago. Hanggang ngayon ay wala pa rin tayong kasiguruhan sa paninirahan. Ang disenteng hanapbuhay na kailangang-kailangan natin ay nananatili pa ring isang mailap na pangarap. Patuloy pa ring pinaghaharian at binubusabos ng iilan tayong mga nakararami.
Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, sa gitna ng ating kalituhan at panghihina dahil sa matagal na panahong pang-aapi sa atin ng mga naghaharing elitista ay may isang taong tumindig, namuno, pilit na tinipon ang ating hiwa-hiwalay, kalat-kalat, at kiming paglaban upang ito ay maging isang matibay na pwersa at malakas na boses laban sa mga naghaharing uri.
Sa gitna ng ating panghihina sa matagal na panahong pakikibaka at pagkalugmok sa matinding atake ng mga mapang-api, ang taong ito ay nag-ubos ng kanyang panahon upang muling ibalik ang ating lakas, buhayin ang apoy ng paglaban sa ating kalooban upang patuloy tayong makibaka para sa paglaya sa kuko ng pang-aalipin ng iilan.
Sa gitna ng ating kalituhan sa kaligaligan ng buhay, ang taong ito’y naging isang maaasahang giya upang tayo’y hindi makalimot na tanging sa ating sama-samang pagkilos ay makakamit natin ang ninanais nating lipunang malaya, walang pang-aapi at pantay-pantay.
Ang taong ito na ibinuwis ang kanyang buhay para lamang ituro sa atin na sa ating nagkakaisang lakas ay mapagtagumpayan natin ang anumang laban na ating susuungin. Ang taong ito na nagbuwis ng kanyang buhay upang ipatimo sa ating isipan, na tayo at tayong mga maralita ang siyang may kakayahan at may karapatang ituloy ang ikot ng gulong ng kasaysayan at siyang tanging may kakayahang pamunuan ang susunod na lipunan. Lipunag tayo ang siyang bubuo. Lipunang tayo ang siyang huhugis.
Ang taong ito na nakakita ng kamalian ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ni Joma, na ang rebolusyon pala ay hindi nagmumula sa dulo ng baril, kundi sa pagiging mulat ng masa, lalo na ng uring manggagawa, sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan.
Ang taong ito na, gaya ng sulong naglalagablab, ay nagpaalab sa ating pakikibaka para sa tunay na kalayaan at pagbabago.
Ka Popoy, sa liyab ng libong sulo ng pakikibaka, tuloy ang laban.
Alam naming hindi mo na maririnig ang aming pasasalamat, pero ganuon pa man, nais pa rin naming ipabatid sa iyo, saan ka man naroroon, kaming mga maralita ng lungsod at taos pusong nagpupugay at nagpapasalamat.
Oo, ang mamatay ng nagsisilbi sa bayan, sa masa at sa uring manggagawa ay kasimbigat ng isang bundok. At ramdam namin ang bigat ng nakaatang sa aming balikat simula ng ikaw ay mawala. Gayunpaman, alam naming gaano man ito kabigat, ito’y kakayanin namin dahil merong tulad mo na naging bahagi ng aming pakikibaka.
Maraming salamat, Ka Popoy. Maraming maraming salamat.
Hindi ka namin malilimutan, magiting na kasama. Alam namin, marami pang Ka Popoy na susulpot upang ang binhi ng pakikibakang iyong sinimulan ay magbunga ng tunay na paglaya at pagbabago.
- Mula sa pamunuan at kasapian ng KPML
Kung hindi mo mabasa ang ilang bahagi ng artikulo, maaari itong makita at mabasa sa ibang kuwadro. Mangyaring itutok ang cursor (arrow) sa larawan, at i-right click. At i-klik ang "Open link in new tab". At makikita na ito ng buo. Maraming salamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento