Pahayag sa ika-25 anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy
ni Ka Sonny Melencio
*Binigkas sa mga baytang ng UP Bahay ng Alumni, February 6.
Muli nating ginugunita ngayon ang ika-25 anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy Lagman. Halos taon-taon din akong naririto sa okasyong ito upang patuloy na igiit ang hustisya para kay Ka Popoy at bigyang-parangal ang kanyang kontribusyon sa kilusang mangggawa sa bansa.
May isang bagay akong nais idiin sa pag-alala kay Ka Popoy: si Ka Popoy ay hindi lamang isang rebolusyonaryo, hindi lamang isang bayani ng uring manggagawa – gaya nang madalas nating isigaw. Higit sa lahat, siya ay isang sosyalista. Isang rebolusyonaryong sosyalista at bayani ng uring manggagawa.
Rebolusyonaryong sosyalista
Maraming anyo ang tinatawag nating rebolusyonaryo. Lahat ng lumalaban sa bulok at mapaniil na pamahalaan – laluna na ang umaabot sa armadong pakikibaka para ibagsak ito – ay kinikilala nating rebolusyonaryo. Rebolusyonaryo ang NPA, anuman ang ating kritisismo sa kasalukuyang estratehiya ng armadong pakikibaka. Rebolusyonaryo ang MNLF at MILF sa pagkabuo nito. Rebolusyonaryo ang Hamas sa Palestine. May rebolusyonaryo, at may rebolusyon, at kinikilala at pinahahalagahan natin ito.
Marami ring kinikilalang bayani ng uring manggagawa. Si Andres Bonifacio ay hinirang nating bayani ng uring manggagawa sa pakikibaka para sa kalayaan laban sa kolonyalismong Kastila. Sa iba’t ibang bansa na may matitibay na kilusang paggawa, marami ring nagbuwis ng buhay at kinilalang bayani ng kanilang uri.
Pero si Filemon “Ka Popoy” Lagman ay isang sosyalista. Natatanging pagkilala na dapat igawad sa kanya at hindi dapat tinatabingan. Gaya ng maraming sosyalista, isa siyang lider na nauna sa kanyang panahon (ahead of his time). Sapagkat ang kanilang ipinaglalaban ay ang hinaharap, hindi lamang ang makabuluhan o radikal na reporma ngayon.
Ipinagkaloob niya ang kanyang buhay at panahon para sa pagbabago ng buong sistema – sa pagwawakas ng pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawa, sa malawak na bilang ng inaaping mamamayan at mga katutubo. Kabilang dito ang pagpapalaya ng kababaihan at kabataan, ang pagtigil sa pagwasak ng ekolohiya at ng buong planeta, at ang pagtatayo ng lipunang wala ni isa mang pinagsasamantalahan at inaapi.
Be proud to be a socialist
Lahat ng ito ay tuwirang tumutukoy sa ating sosyalismo. Ipagmalaki natin na tayo ay mga sosyalista. Hindi sapat na ikubli ito sa mga pananalitang gaya ng “system change” o “another world is possible.” Kailangang pangalanan natin ang sistemang nais nating ipalit at ipaglaban.
Sapagkat kung hindi – hindi pa rin natin ganap na iginuguhit ang malinaw na pagkakaiba ng linya ng Pambansang Demokrasya at ng linyang sosyalista. At dito napakahalaga ang ambag ni Ka Popoy sa kilusang manggagawa, mula sa panahon ng kanyang aktibismo hanggang sa kanyang pagpanaw.
Ang sosyalismo ay hindi lamang tatak na idinidikit natin sa ating sarili. Ito ay isang sistemang kailangang pag-aralan, unawain, at ipaliwanag, sapagkat hindi pa ito umiiral sa ating bansa.
Teoretikal na pag-aaral
May isang anekdota ako hinggil sa pagpapahalaga ni Ka Popoy sa pag-aaral ng sosyalismo. Noong panahon ng First Quarter Storm, ang namamayaning linya sa kilusang kinapalooban namin ni Ka Popoy ay Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong – isang napakahalagang balangkas para ilarawan ang direksyon, pilosopiya, at ideolohiya ng rebolusyonaryong pakikibaka. Sa aming kilusan, pangunahing binabasa at ipinalalaganap ang mga akda ni Mao Zedong: ang Little Red Book at ang tatlong volumes ng Selected Works of Mao Zedong.
Ngunit si Ka Popoy ang nagdala sa aming headquarters sa Navotas ng mga klasikong babasahing sosyalista at komunista, gaya ng Economic and Philosophical Manuscripts of 1844 ni Karl Marx, ang kinikilalang ama ng scientific socialism. Tinalakay sa akdang ito ang teorya ng alienation ng uring manggagawa: ang paghiwalay ng manggagawa sa produktong kanyang nililikha na hindi niya pag-aari at pagkawala ng kontrol sa kung sino ang makikinabang dito. Isang anyo ng alienation na sumasalamin sa kalagayan ng maraming mamamayan at lumilikha ng krisis sa ugnayan ng tao sa tao sa lipunan.
Ang librong ito ay nagpalipat-lipat ng kamay sa aming grupo, hanggang makarating sa isang manggagawang kasapi ng KM. Lumiban siya sa trabaho at halos ilang araw na hindi natulog sa pagbabasa nito. Sa huli, nakita siyang nanghuhuli ng tutubi – nang walang tutubi. Sa madaling sabi, tila nawala siya sa sarili. Totoo ang kuwentong ito, bagamat hindi magandang halimbawa ng halaga pagbabasa. Ibinahagi ko lamang para pasayahin ang ating pagtitipon, habang binibigyang-diin ang pagpapahalaga ni Ka Popoy sa teoretikal na pag-aaral.
Socialist Labor Day
Ikalawang anekdota: noong unang bahagi ng dekada 1990, bago pa ang pagkakahati sa CPP ng dalawang grupong RA (Reaffirmists) at RJs (Rejectionists), iminungkahi na ni Ka Popoy, bilang pinuno ng kilusan sa Metro Manila, na ang tema ng mobilisasyon sa Mayo Uno ay Sosyalismo – sa halip na karaniwang panawagan ng pagtaas ng sahod at pagpapabuti ng kondisyon sa paggawa.
Nagbunsod ito ng matinding debate sa pagitan ng National Trade Union Bureau ng CPP at ng Regional Trade Union Bureau. Lumitaw sa debate ang kakulangan ng programang Pambansang Demokrasya sa pagtukoy sa ultimong layunin ng uring manggagawa: ang pagwawakas ng sahurang pang-aalipin at ang pagtatayo ng sistemang hindi nakabatay sa kalakal at tubo, kundi sa pangangailangan ng mamamayan.
Ito ang kauna-unahang pagdiriwang ng Mayo Uno, sa aming henerasyon, na hayagang iniladlad ang sosyalismo bilang layunin ng uring manggagawa. Isinagawa ito nang planado: nagpalaganap kami ng sunud-sunod na mga polyetong nagpapaliwanag kung ano ang sosyalismo, na malawakang ipinamudmod sa mga pabrika at komunidad sa Metro Manila.
Maging ang entablado sa May Day rally ay naging espasyo ng pagpapaliwanag ng sosyalismo, na sinalubong ng masigabong palakpakan ng libu-libong manggagawang lumahok sa rali.
Kailangang ilinaw: itinuturing natin ang Pambansang Demokrasya bilang isang transisyon tungong sosyalismo. Hindi ito isang hiwalay na yugto o isang socio-economic system na pamalit na sa kapitalismo. Sosyalismo ang sistemang pamalit sa kapitalismo; ang Pambansang Demokrasya ay yugto lamang ng transisyon.
Ang pagwawakas ng absolute poverty sa China
Kaya’t nalulungkot ako sa mga pahayag na ang landas ng China ngayon ay mas tumpak na landas kaysa sa sosyalistang Cuba. Ang dahilan nito ay ang ibinabandong pagwawakas ng absolute poverty sa China sa pamamagitan ng bagong direksyon nito.
Pero ang pagwawakas ng absolute poverty ay hindi otomatikong sosyalista. Nagawa ito ng kapitalismo sa Europe, United States, at marami pang mga mauunlad na kapitalistang bansa. Maging ang welfare-state capitalism sa Europe, na pinupuri ng mga social democrats, ay produkto ng pagsulong ng kapitalistang industrialisasyon.
Sa Marxistang pagsusuri, maaaring wakasan ng kapitalistang industriyalisasyon ang absolute poverty sapagkat ang surplus value na hinahamig sa mga manggagawa ay nananatili sa loob ng bansa, sa halip na inililikas sa mga imperyalistang sentro. Nagagamit ang sarplas sa pagpapalawak ng industriya at paglikha ng maraming trabaho.
Nagawa ng China na gamitin ang surplus value ng kanyang milyon-milyong populasyong manggagawa (773 million) para sa halos ganap na industrialisasyon ng bansa. Resulta rin ito ng Rebolusyong Tsino na nagpalaya sa kanila sa kuko ng imperyalismo.
Pero sa klasikong sosyalistang pagsusuri, hindi nagwawakas sa kapitalistang industriyalisasyon ang kadustaan ng uring manggagawa. Sa halip, lumalala ang pagsasamantala at ang malawak na hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiko at panlipunang kalagayan ng mga tao sa lipunan. Sa kalaunan, dahil sa likas na katangian ng kapitalismo, ang mga tagumpay na ito – gaya ng welfare-state system – ay unti-unting guguho habang inuuga ang sistema ng paulit-ulit na krisis.
Depensahan ang Cuba
Ipinagtatanggol ng Cuba ang sosyalismo sa gitna ng walang humpay na panggigipit ng kapitalistang daigdig, laluna ng administrasyong Trump ng United States. Mahigit 60 dekada nang sumasailalim ang Cuba sa economic blockade ng US, na nagbabawal sa pakikipagkalakalan nito sa iba pang mga bansaa. Bagamat sumusulong ang Cuba sa malawakang paggamit ng renewable energy, kailangan pa rin nito ng mga resources – laluna na ng langis – na ipinagkakait ng panggigipit sa kalakalan.
Kamakailan, pinutol na ng Venezuela at Mexico ang kalakalan ng langis sa Cuba sa utos ng administrasyong Trump. Panibagong ‘special period’ sa Cuba noong nalusaw ang Soviet Union; nalampasan ito ng sosyalistang Cuba at malamang malampasan pa rin ngayon.
Ibig sabihin, kailangang ipagtanggol ang Cuba sapagkat sa maraming larangan – social welfare, medisina at biotechnology, at bilang ng doktor at mga guro na hindi mapantayan ng mga imperyalistang bayan – nanatili itong modelo ng sosyalistang pagbabago, kahit paulit-ulit na inaatake at ginigipit ng imperyalismong Amerika.
Bilang pangwakas, bilang paggalang sa hangarin ni Ka Popoy na palaganapin ang sosyalistang kaisipan at linya, napagkasunduan ng PLM na buksan ang Socialist School sa darating na Marso. Dito isusulong ang sistematikong pag-aaral ng mga klasikong sosyalistang akda at ng kasaysayan ng pakikibaka para sa sosyalismo sa maraming bayan, kabilang ang Pilipinas. Inaanyayahan ko kayong makiisa at lumahok dito.
Mabuhay kayong lahat!

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento