PAHAYAG NG KPML SA IKA-19 NA ANIBERSARYO NG KAMATAYAN
NG BAYANI NG URING MANGGAGAWANG SI KA POPOY LAGMAN
Pebrero 6, 2020
Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos kamaong nagpupugay kay Ka Popoy Lagman. Labinsiyam na taon na mula nang siya'y mapaslang at hanggang ngayon ay patuloy ang paghahanap ng katarungan.
Isa si Ka Popoy Lagman sa mga batikang lider na nakibaka upang palayain ang manggagawa't maralita mula sa kuko ng kapitalismo. Siya'y dakilang guro at lider-manggagawang nagpapatuloy ng pakikibaka sa tradisyon ng mga naunang lider-manggagawang namuno sa mga naganap, tulad ng Paris Commune at ng Rebolusyong Oktubre.
Si Ka Popoy ay hinuli at ikinulong ng estado noong Mayo 26, 1994, dalawang araw matapos ang isang rali sa Makati kung saan labingdalawang aktibista ang nahuli. Dinakip din siya sa kasagsagan ng SLAM APEC Conference noong Nobyembre 1996. Siya'y isang masigasig na chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) mula 1995 hanggang sa siya'y mapaslang noong Pebrero 6, 2001.
Si Ka Popoy ay isang maaasahang giya upang tayo’y hindi makalimot na tanging sa ating sama-samang pagkilos ay makakamit natin ang ninanais nating lipunang malaya, walang pang-aapi at pantay-pantay. Ibinuwis niya ang kanyang buhay para lamang ituro sa atin na sa ating nagkakaisang lakas ay mapagtagumpayan natin ang anumang laban na ating susuungin, upang ipatimo sa ating isipan, na tayo at tayong mga maralita ang siyang may kakayahan at may karapatang ituloy ang ikot ng gulong ng kasaysayan at siyang tanging may kakayahang pamunuan ang susunod na lipunan. Lipunang tayo ang siyang bubuo. Lipunang tayo ang siyang huhugis.
Si Ka Popoy Lagman, na gaya ng sulong naglalagablab, ay nagpaalab sa ating pakikibaka para sa tunay na kalayaan at pagbabago.
Ang KPML bilang kasapi ng BMP, Sanlakas, at pundadores ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ay patuloy na nakikibaka upang ang mga pangarap ni Ka Popoy na isang lipunang malaya at walang pagsasamantala, tulad din ng aming pangarap, ay makamit ng uring manggagawa at masa ng sambayanan.
Hustisya para kay Ka Popoy Lagman! Mabuhay ang uring manggagawa! Tuloy ang laban!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento