Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na paranhg tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolidad sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at nawala na ang pag-oorganisa ng Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Uklo Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
http://kpml-org.blogspot.com/2010/10/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.

Huwebes, Pebrero 6, 2020

Mensahe ng XDI sa ika-19 anibersaryo ng pagkapaslang kay Ka Popoy Lagman

PAHAYAG NG EX-POLITICAL DETAINEES INITIATIVE (XDI)
Pebrero 6, 2020

MENSAHE NG XDI SA IKA-19 ANIBERSARYO
NG PAGKAPASLANG KAY KA POPOY LAGMAN

Kami, mula sa Ex-Political Detainees Initiative (XDI) ay taos kamaong nagpupugay kay Ka Popoy Lagman. Labinsiyam na taon na mula nang siya'y mapaslang at hanggang ngayon ay patuloy ang paghahanap ng katarungan.

Isa si Ka Popoy Lagman sa mga batikang lider na nakibaka upang palayain ang manggagawa sa kuko ng kapitalismo. Siya'y dakilang guro at lider-manggagawang nagpapatuloy ng pakikibaka sa tradisyon ng mga naunang lider-manggagawang namuno sa mga naganap, tulad ng Paris Commune at ng Rebolusyong Oktubre.

Si Ka Popoy ay isa ring XD o dating bilanggong pulitikal. Hinuli siya at nakulong noong Mayo 26, 1994, dalawang araw matapos ang isang rali sa Makati kung saan labingdalawang aktibista ang nahuli, at noong kasagsagan ng SLAM APEC Conference noong Nobyembre 1996. Siya'y isang masigasig na chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) noong siya'y mapaslang noong Pebrero 6, 2001.

Muli, kami sa Ex-Political Detainees Initiative (XD) ay taas-kamaong nagpupugay sa magiting na lider na si Ka Popoy Lagman!

Hustisya para kay Ka Popoy Lagman at sa lahat ng mga dati at hanggang ngayon ay bilanggong pulitikal! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!


EDGAR DESACULA
Pangulo

EDWIN GUARIN
Ikalawang Pangulo

GREGORIO BITUIN JR.
Sekretaryo Heneral

JOVEN LIM
Ingatyaman

RONI DURAL
Auditor 

Tula: Ka Popoy Leninista


POPOY LAGMAN, LENINISTA

Popoy Lagman, na kilala ring Ka Popoy sa madla
Organisador na Leninista ng manggagawa
Pilipinong rebolusyonaryo, tanyag, dakila
O, bakit ba ikaw ay pinaslang nang walang awa
Yinanig ang bayan sa iyong biglang pagkawala
Leninistang nagturo sa amin ng rebolusyon
Ang tagumpay ni Lenin noon, inaaral ngayon
Gurong tunay si Ka Popoy nang magawa ang layon
Manggagawa, magkaisa kayo sa inyong misyon
Ang itayo n'yo ang lipunang sosyalista ngayon
Nagkakaisang puso, diwa't prinsipyo'y di lingid
Laban sa kapitalismong sadyang sistemang ganid
Edukador ng obrerong ating mga kapatid
Nang kawalan ng hustisya'y tuluyan nang mapatid
Isang pagpupugay kay Ka Popoy ang aming hatid
Nagtataguyod ng Leninistang diwa't prinsipyo
Isinasapuso'y tunay na diwang makatao
Sosyalistang lider siyang may pamanang totoo
Tahakin ang landas ni Ka Popoy, ang Leninismo
At palakasin ang pagkakaisa ng obrero
- gregbituinjr.
02.06.2020

Pahayag ng KPML sa ika-19 anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy Lagman

PAHAYAG NG KPML SA IKA-19 NA ANIBERSARYO NG KAMATAYAN 
NG BAYANI NG URING MANGGAGAWANG SI KA POPOY LAGMAN
Pebrero 6, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos kamaong nagpupugay kay Ka Popoy Lagman. Labinsiyam na taon na mula nang siya'y mapaslang at hanggang ngayon ay patuloy ang paghahanap ng katarungan.

Isa si Ka Popoy Lagman sa mga batikang lider na nakibaka upang palayain ang manggagawa't maralita mula sa kuko ng kapitalismo. Siya'y dakilang guro at lider-manggagawang nagpapatuloy ng pakikibaka sa tradisyon ng mga naunang lider-manggagawang namuno sa mga naganap, tulad ng Paris Commune at ng Rebolusyong Oktubre.

Si Ka Popoy ay hinuli at ikinulong ng estado noong Mayo 26, 1994, dalawang araw matapos ang isang rali sa Makati kung saan labingdalawang aktibista ang nahuli. Dinakip din siya sa kasagsagan ng SLAM APEC Conference noong Nobyembre 1996. Siya'y isang masigasig na chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) mula 1995 hanggang sa siya'y mapaslang noong Pebrero 6, 2001.

Si Ka Popoy ay isang maaasahang giya upang tayo’y hindi makalimot na tanging sa ating sama-samang pagkilos ay makakamit natin ang ninanais nating lipunang malaya, walang pang-aapi at pantay-pantay. Ibinuwis niya ang kanyang buhay para lamang ituro sa atin na sa ating nagkakaisang lakas ay mapagtagumpayan natin ang anumang laban na ating susuungin, upang ipatimo sa ating isipan, na tayo at tayong mga maralita ang siyang may kakayahan at may karapatang ituloy ang ikot ng gulong ng kasaysayan at siyang tanging may kakayahang pamunuan ang susunod na lipunan. Lipunang tayo ang siyang bubuo. Lipunang tayo ang siyang huhugis.

Si Ka Popoy Lagman, na gaya ng sulong naglalagablab, ay nagpaalab sa ating pakikibaka para sa tunay na kalayaan at pagbabago.

Ang KPML bilang kasapi ng BMP, Sanlakas, at pundadores ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ay patuloy na nakikibaka upang ang mga pangarap ni Ka Popoy na isang lipunang malaya at walang pagsasamantala, tulad din ng aming pangarap, ay makamit ng uring manggagawa at masa ng sambayanan.

Hustisya para kay Ka Popoy Lagman! Mabuhay ang uring manggagawa! Tuloy ang laban!

Popoy Lagman, Leninista

POPOY LAGMAN, LENINISTA

Popoy Lagman, na kilala ring Ka Popoy sa madla
Organisador na Leninista ng manggagawa
Pilipinong rebolusyonaryo, tanyag, dakila
O, bakit ba ikaw ay pinaslang nang walang awa
Yinanig ang bayan sa iyong biglang pagkawala
Leninistang nagturo sa amin ng rebolusyon
Ang tagumpay ni Lenin noon, inaaral ngayon
Gurong tunay si Ka Popoy nang magawa ang layon
Manggagawa, magkaisa kayo sa inyong misyon
Ang itayo n'yo ang lipunang sosyalista ngayon
Nagkakaisang puso, diwa't prinsipyo'y di lingid
Laban sa kapitalismong sadyang sistemang ganid
Edukador ng obrerong ating mga kapatid
Nang kawalan ng hustisya'y tuluyan nang mapatid
Isang pagpupugay kay Ka Popoy ang aming hatid
Nagtataguyod ng Leninistang diwa't prinsipyo
Isinasapuso'y tunay na diwang makatao
Sosyalistang lider siyang may pamanang totoo
Tahakin ang landas ni Ka Popoy, ang Leninismo
At palakasin ang pagkakaisa ng obrero
- gregbituinjr.
02.06.2020