Miyerkules, Enero 21, 2009

Pagpupugay ng PMP kay Ka Popoy Lagman

PAGBIBIGAY PUGAY NG PARTIDO NG MANGGAGAWANG PILIPINO KAY FILEMON KA POPOY LAGMAN

Patraydor na pinaslang si Ka Popoy. Binaril nang nakatalikod. Tanging ang mga taong halang ang kaluluwa ang maaaring gumawa ng ganitong karumal-dumal na krimen.

Patay na si Ka Popoy. Subalit gusto uli siyang paslangin ng mga elementong hanggang sa kanyang pagkakahimlay ay itinuturing pa rin siyang mapanganib na kaaway.

Imposible nang pisikal na kitlin ang kanyang buhay sa pangalawang pagkakataon. Kaya't sa ibang paraan naman siya pinapatay ngayon, sa pamamagitan ng paninirang-puri.

Oportunista raw si Ka Popoy. Milyun-milyon ang kanyang kinita diumano sa ibinentang mga laban ng masang manggagawa at maralita.

Isa itong malaking kasinungalingan. Paanong nagpayaman ang isang taong wala halos masasabing pansariling pagmamay-ari kundi ang kanyang mga personal na kasuotan at gamit sa kanyang katawan.

Hindi ang kanyang personal na kapakinabangan ang pangunahin kay Ka Popoy. Napakasimple ng kanyang pamumuhay. Ni wala itong ibang luho kundi ang kanyang mga bisyo-kape at sigarilyo.

Utak-pulbura rin daw si Ka Popoy. Siya diumano ang utak ng walang-habas na mga pampulitikang asasinasyon sa nakaraan.

Isa rin itong kabulastugan. Ipinipinta siyang isang teroristang uhaw sa dugo gayong pinangunahan niya ang pagtatakwil sa Sisonistang konsepto ng rebolusyong ginawang gera. Sa halip, pinamunuan niya ang reoryentasyon ng rebolusyonaryong kilusan sa isang bagong landas ng pakikibaka.

Isinulong niya ang pagpapaunlad sa pangkalahatang pampulitikang pakikibaka ng mga manggagawa at maralita. Ito ang pagpapatindi ng mga pakikibakang masa-mga pakikihamok na sa kasalukuyang sitwasyo'y kadalasang sa anyo ng ligal at di-armadong mga paglaban.

Masama raw ang pag-uugali ni Popoy; magaspang raw ang kanyang mga pananalita.

Kabulaanan! Si Ka Popoy ay taong kausap. Hindi siya katulad ng mga pulitikong nagbibitaw ng matatamis na pangungusap sa harap ng masa subalit tinatalikuran ang mga salita at tinatraydor ang masa matapos makuha ang gusto nila.

Si Ka Popoy ay konsistent sa kanyang paninindigan sa uring manggagawa. At ito'y hindi niya itinatago sinuman ang kanyang kaharap. Sinumang magtatangkang mang-alipusta sa mga manggagawa ay tiyak na aani ng hindi magandang pakikitungo mula sa kanya. Sinumang nagmamaliit sa katayuan at kakayahan ng mga manggagawa ay tiyak makakatikim ng maaanghang na salita.

Komunista raw si Ka Popoy. Sa lahat ng ibinibintang sa kanya, ito ang totoo.

Ngunit kahit ang katotohang ito ay pilit na binabaluktot para siraan ang kanyang pagkatao. Inilalarawan siyang pilit bilang isang pusong-bakal o walang pusong komunista.

Si Ka Popoy, sa kabilang banda, ay malambot ang puso sa mga manggagawa. Wala siyang pinangarap kundi ang emansipasyon ng mga manggagawa. Wala siyang kaligayahan kundi ang pagtindig ng mga manggagawa bilang isang pampulitikang pwersa.

Sintigas ng bakal ang paninindigan ni Ka Popoy sa pagtatanggol at pagsusulong sa interes ng mga manggagawa. Kahit saang larangan, sa debate o sa aktwal na mga pakikibaka, naroroon siya sa panig ng mga manggagawa.

Ang kanyang buong buhay ay inialay niya para sa interes ng uring manggagagawa. Wala siyang kapaguran sa pagkilos para maorganisa ang mga manggagawa. Ang kanyang dedikasyon at intensidad sa pagkilos ay hinahangaan at inspirasyon ng mga aktibista ng rebolusyonaryong kilusan.

Walang ibang layunin ang mga pumaslang kay Ka Popoy kundi ang preserbasyon ng kasalukuyang sistema, ang pananatili ng paghahari ng uring kapitalista sa lipunan. At para sa kanila, si Ka Popoy ang pinakamalaking panganib para dito.

Ngunit kung inaakala nilang mapipigil ng pagkamatay ni Ka Popoy ang pagkakaisa't pagkakaorganisa ng mga manggagawa, nagkakamali sila. Ang kanyang kamatayan ay magsisilbing mitsa sa pagkamulat ng mga manggagawa bilang isang pampulitikang pwersa.

Ang Partido ng Manggagawang Pilipino ay nagpapahayag ng pakikiramay sa pamilya ni Ka Popoy habang nagbibigay-pugay sa kanyang pangunahing lider, isang magiting na mandirigma, mahusay na teoretisyan, dedikadong rebolusyonaryo, huwarang komunista, at tapat na kasama.

Sa harap ng mga labi ni Ka Popoy, isinusumpa naming hindi bingi ang Partido sa hiyaw ng mga manggagawa-Katarungan para kay Ka Popoy!

Igagawad namin ang hustisya sa aming sariling pamamaraan. Uusigin namin ang mga may kagagawan at utak ng krimeng ito kahit hanggang sa kadulu-duluhan ng mundo.

Sa harap ng mga labi ni Ka Popoy, isinusumpa naming hindi bingi ang kasaysayan sa sigaw ng mga manggagawa-Katarungan para sa uring manggagawa!

Ilang oras na lamang at itatayo na ang Partido ng Manggagawa na hudyat ng pagtindig ng mga manggagawang Pilipino bilang isang independyenteng pwersa sa pampulitikang entablado ng bansa. Sa mga sandaling ito mismo, ang pandaigdigang kilusang manggagawa ay pinapanday ng pakikipagsagupaan sa globalisadong salot ng internasyunal na kapitalismo.

Ito ang tunay na parangal sa isang komunistang mandirigmang gaya ni Ka Popoy-ang pag-apuyin sa puso't damdamin ng bawat manggagawa ang mga adhikaing pinagbuwisan niya ng buhay, ang pagliyabin ang makauring pakikibaka ng proletaryado tungo sa pagpawi ng sahurang pang-aalipin.

Komite Sentral
Partido ng Manggagawang Pilipino
Pebrero 11, 2001

--------
The Partido ng Manggagawang Pilipino is an underground revolutionary party of the working class established 30 January 1999.

Walang komento: