Isang pagsaludo sa kabayanihan ni Ka Popoy Lagman
mula kay kasamang Sonny Melencio, tagapangulo ng Partido Lakas ng Masa (PLM)
6 Pebrero 2024
Siya ang kauna-unahang biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng GMA. Hanggang ngayon, kasama ang libu-libo pang biktima, wala pa ring nakakamit na katarungan sa patraydor na asasinasyon kay Ka Popoy.
Ginugunita natin ang kanyang kabayanihan habang pinagtitibay natin ang katangian at pamamaraan ng mga labang kanyang isinulong.
Siya ang pinakamasugid na tagapagbandila, at sa katunaya’y pioneer ng sosyalistang linya para sa uring manggagawa sa bansa. Sinimulan niya ang kritik ng pambansang demokratikong linya na aniya’y hindi umaayon sa kasalukuyang adhikain ng uring manggagawa para sa pagwawakas ng sahurang pang-aalipin at ng kapitalismo – gaano man ito kaatrasado – sa bansa.
Ibinando niya ito hindi lamang sa mga usaping panloob sa kilusan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa ilalim ng pambansang demokratikong kilusan, nanguna si Ka Popoy sa pagbabandila ng sigaw at adhikain ng sosyalismo sa mobilisasyon ng kilusang unyon sa naging pagdiriwang ng Mayo Uno. Nagsalita ang mga lider manggagawa ng Maynila-Rizal na sosyalismo ang kanilang adhikain at hindi pambansang demokrasya lamang.
Pinag-ugat ni Ka Popoy ang sosyalistang adhikain sa mga lider at masa ng uring manggagawa, kabilang na ang mga nasa kilusang unyon. Sa halip na mga pag-aaral sa pambansang demokrasya, isinulong niya ang mga pag-aaral sa sosyalismo, kabilang ang mga akda ng mga naunang sosyalistang lider gaya ni Karl Marx at Friedrick Engels at Vladimir Lenin.
Sinimulan din niya ang maigting at matinding protesta laban sa imperyalistang globalisasyon. Ito’y sa panahon na may mga grupong Kaliwa na sinasang-ayunan ang globalisasyon dahil pauunlarin nito ang kapitalismo sa bansa. Kahit nakakulong, iminando ni Ka Popoy na isulong ang martsa-caravan laban sa APEC at globalisasyon noong 1996. Iginuhit ni Ka Popoy ang linya na ang globalisasyon ay nagsisilbi lamang sa imperyalista at kapitalistang pagsasamantala habang dinudurog ang kilusang paggawa at kilusang masa ng uri.
Hindi natin siya makalilimutan sapagkat ang kanyang sinimulan ay ang tamang landas ng sosyalistang pagsulong na dapat lamang nating ipagpatuloy at paunlarin ngayon.
Masidhi rin ang paniniwala ni Ka Popoy na ang rebolusyon ay isang landas na tatahakin ng uri sa harap ng matinding pagsasamantala ng kapital at ng mga naghaharing uri. Para kay Ka Popoy, ang “gyera ay hindi rebolusyon, at ang rebolusyon ay hindi gyera.” Ang rebolusyon ay akto ng masa ng uri at hindi pag-aarmas lamang ng isang seksyon nila, laluna kung ang protracted o mahabang panahon ng pag-aarmas na ito ay nagiging panghalili sa isang malawakan at makapangyarihang rebolusyon na isusulong ng uri.
Gayundin, ang pananaw ni Ka Popoy sa eleksyon sa burges na parlamento na isa lamang oportunidad para ilantad ang baog na demokrasya at isang paniniktik sa pamamaraan ng paghahari ng kapitalista at burgesya sa loob ng parlamento. Ang pinakamahalaga para sa kanya ay gamitin ang lahat ng rekurso mula rito para pakilusin ang masa at palibutan ang baog at reaksyonaryong parlamento. Sa pinakadulo, para buwagin ito at itayo ang tunay na parlamento at kongreso ng masa.
Ang adhikain at pamamaraan ni Ka Popoy ay hindi dapat maglaho. Gawin nating katotohanan ang pagsusulong ng mga sandatang kailangan ng uri para magtagumpay:
(1) ang sandata ng walang-pagod na pagpaparami at pagpapalakas ng partidong mangunguna sa rebolusyon;
(2) ang sandata ng kilusang unyon na hindi dapat saklutin ng mga dilawang lider at burukrasya sa unyon, kundi dapat pamunuan ng mga sosyalista at tapat-sa-uring lider ng mga manggagawa;
(3) ang malawak na pagpapakilos sa masa sa kanilang sariling mga suliranin at isyu at pagkakawing nito sa sosyalistang adhikain; at,
(4) ang pagtatayo ng malawak na nagkakaisang prente ng mga sosyalista, rebolusyonaryo, at progresibong kilusan ng uri na magtitiyak ng tagumpay ng rebolusyonaryong pag-aalsa ng masa.
Hindi lamang dapat alalahanin ang kabayanihan ni Ka Popoy. Dapat sundan natin ang kanyang gabay, paunlarin pa ito, at isulong hanggang sa tagumpay ng sosyalismo sa ating bansa at sa buong mundo. #
Tala: Si Ka Sonny ay matagal nang kasama sa pakikibaka ni Ka Popoy, mula sa erya ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (na noo’y bahagi pa ng Bulacan), bago pa man maideklara ang Martial Law.