Martes, Abril 10, 2018

Bakit isang milyong aklat na "Puhunan at Paggawa?"


BAKIT ISANG MILYONG AKLAT NA "PUHUNAN AT PAGGAWA"?
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Pambungad

Noong ikalawang araw ng Ikawalong Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na isinagawa sa Lungsod ng Baguio nitong Enero 2018 ay nagpasa ako ng tatlong resolusyon. Ang una ay paglalathala ng aklat ng BMP na ilulunsad sa ika-25 anibersaryo nito sa Setyembre 2018. Ang ikalawa ay ang pagdaraos ng BMP ng Marxist Conference para sa ika-200 kaarawan ni Karl Marx sa Mayo 5, 2018. At ang ikatlo rito ay pinamagatan kong "Isang Milyong Aklat ng Puhunan at Paggawa ni Ka Popoy Lagman para sa Isang Milyong Manggagawa."

Pokusan natin ang ikatlong resolusyon. Isang milyong aklat? Aba, aba, aba. Kaya bang ilathala ang ganyang karaming aklat sa isang taon, o sa loob ng tatlong taon bago muling mag-Kongreso ang BMP? Kamangha-mangha ang laki ng bilang! Kaya ba nating ilathala iyan? Gaano kalaking pondo ang magagastos diyan?

Subalit iyon ay isang resolusyong sinang-ayunan ng mayorya ng delegado. Isang resolusyong akala natin ay hindi kakayanin.

Narito ang kabuuan ng nasabing resolusyon:

RESOLUSYON BLG. ____
ISANG MILYONG AKLAT NG "PUHUNAN AT PAGGAWA"
NI KA POPOY LAGMAN PARA SA ISANG MILYONG MANGGAGAWA

Sapagkat isa sa mga batayang pag-aaral ng BMP ang "Puhunan at Paggawa" na ngayon ay naisaaklat na, dapat na magkaroon ng kopya ng aklat na ito ang bawat manggagawa;

Sapagkat ang labor force sa ngayon ay umaabot na sa 43.739 million ayon sa isang ahensya ng pamahalaan;

Sapagkat tungkulin ng BMP ang pagmumulat ng mga manggagawa;

Kung gayon, inilulunsad ng BMP ang proyektong 'Isang Milyong Aklat ng "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman para sa isang milyong manggagawa;

Sinang-ayunan ng mga delegado ng Ikawalong Pambansang Kongreso ng BMP ngayong Enero 27-28, 2018 sa Skyrise Hotel, Lungsod ng Baguio.


Pagtalakay

Napakahalaga bilang pangunahing aklat ng mga manggagawa ang Puhunan at Paggawa na sinulat ni Filemon 'Ka Popoy' Lagman, isang lider-manggagawa at naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang aklat ay tigib ng mga aral at pagsusuri hinggil sa relasyon ng sahod at tubo, ng manggagawa’t kapitalista. Isa ito sa mga natatanging armas ng uring manggagawa upang maunawaan niya ang kanyang kalagayan sa ilalim ng mapagsamantalang sistemang umiiral. Ipinauunawa ng aklat sa mga manggagawa ang kanilang kalagayan sa lipunang ito at tuluyan silang magkaisa at magpalakas upang itayo ang kanilang sariling pamahalaan.

Ang target na isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa para sa isang milyong manggagawa ay maliit kung ikukumpara sa labor force at populasyon ng Pilipinas. Subalit kinakailangang targetin upang mas maraming manggagawa ang makaunawa at magkaisa.

Ayon sa October 2017 Labor Force Survey, ang labor force sa Pilipinas ay nasa 43.739 Milyon. Mula ang datos sa inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero 15, 2018. Ayon din sa PSA sa inilabas nito noong Agosto 1, 2015, ang populasyon ng bansa ay umaabot na sa 100,981,437 batay sa 2015 Census of Population (POPCEN 2015).

Kaya 43,739,000 manggagawang sahuran kumpara sa 100,981,437 populasyon, nasa 43 porsyento ng populasyon ang mga manggagawang sahuran.

Kung mahigit 43 milyon ang manggagawang sahuran sa bansa, ano ba naman ang isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa para sa isang milyong manggagawa. May mahigit 42 milyong manggagawa pa na hindi magkakaroon ng aklat. Kung ikukumpara sa labor force na mahigit 43 milyon, napakaliit ng target nating isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa para sa isang milyong manggagawa. Subalit malaki na ring target, lalo na't limampung libong manggagawa ay di pa nga natin maipalabas na sama-samang kumilos tuwing Mayo Uno.


Karanasan sa Paglalathala

Mula nang maging tagapamahala ako ng Aklatang Obrero Publishing Collective noong 2006, marahil ay nasa limangdaang aklat na Puhunan at Paggawa na ang naipalathala. Karaniwan, depende sa badyet. Kung bawat taon ay nakagawa ako ng 40 aklat na Puhunan at Paggawa, sa loob ng 12 taon, nasa 480 aklat na ang aking napalathala. Paano pa kaya kung 100 aklat bawat taon, yun nga lang, dahil pultaym na tibak, hanggang 40 aklat lang kada taon ang nagagawa kong aklat na Puhunan at Paggawa.

Ako pa lang ito, ha. Paano na kung magtutulong-tulong ang mga manggagawa upang maparami ito at maipamahagi sa maraming manggagawa? Aba'y mas mapapabilis ang pagpaparami ng aklat at pamamahagi nito sa maraming manggagawa.

Mahalagang magkaroon nito at mabasa ito ng bawat manggagawa sa pabrika. Maraming best selling books, dahil na rin sa promosyon ng mga tagapaglathala. Halimbawa, nakapaglathala na ng 500 milyong kopya ng mga aklat na Harry Potter ni J. K. Rowling, ayon sa Bloomsbury, ang tagapaglathala ng mga libro sa Britanya. Ang Noli Me Tangere ni Rizal at Florante at Laura ni Balagtas ay taun-taon ibinebenta sa mga mag-aaral sa hayskul. Kaya ang hamon sa atin ay paano natin itataguyod ang mahalagang aklat na ito ng manggagawa? Paano ang promosyon nito?

Magtulong-tulong tayong ipalaganap ang Puhunan at Paggawa bilang pangunahing aralin ng mga manggagawa sa kanilang pang-araw-araw ng buhay.


Ang Ating Dapat Gawin

Ganito ang ating gagawin. Ang bawat aklat ay dapat mapasakamay ng bawat manggagawa, at hindi isang aklat bawat unyon. Kundi isang aklat bawat manggagawa. Isang aklat na maiuuwi niya sa bahay at babasahin niya sa panahong nasa bahay siya. At maaari ring basahin ng kanyang pamilya. At sa kalaunan ay ng mga kamag-anak, at ng buong komunidad.

Kung isang aklat bawat unyon, baka naka-displey lang ito sa book shelf ng unyon at inaagiw lang. Baka magkahiyaan lang ang mga manggagawa na manghiram, at kung makahiram man ay baka matagal ang pagbalik ng aklat upang mabasa rin ng iba.

Kaya magandang bawat manggagawa ay magkaroon ng aklat na ito. Ano ba naman sa manggagawa ang presyong isangdaang piso (P100) para sa isang librong Puhunan at Paggawa kung ito'y para sa kanilang kabutihan? Maaari rin siyang bumili ng dalawa o limang aklat at ipangregalo niya ito sa kanyang mga kumpare, kumare, kamag-anak, sa kaarawan nito, o sa kapaskuhan.

Maaari ninyong pondohan ang ilang kopya ng Puhunan at Paggawa at pag nabenta lahat ay magpagawa uli kayo. Paikutin lang natin ang pera habang dumarami ang mga aklat. Ang Aklatang Obrero Publishing Collective ay handang tumulong upang tuluy-tuloy na mailathala ang aklat na ito.

Bakasakaling mas mapabilis ang pag-unawa ng mga manggagawa sa kanilang batayang karapatan at kalagayan sa umiiral na lipunan. At bakasakaling mapabilis din ang kanilang sama-samang pagkilos tungo sa layuning itayo ang kanilang sariling lipunan, isang lipunang pinamumunuan ng mga manggagawa, isang lipunang tatapos sa kaayusang kapitalismo.

Isang milyong aklat na Puhunan at Paggawa ni Ka Popoy Lagman, pagtulungan nating ipamahagi sa isang milyong manggagawa. walang mawawala sa atin kung targetin natin ang isang milyong manggagawa. Kailangang makabasa nito at maunawaan ng bawat manggagawa ang nilalaman nito. Bakasakaling sa loob ng limang taon ay maorganisa na ang mga manggagawang ito tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala.