(Ang papel na ito'y ipinamahagi sa mga dumalo sa paggunita sa ika-17 anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy Lagman sa UP Bahay ng Alumni.)
PAHAYAG SA IKA-17 TAON NG PAGGUNITA
SA KABAYANIHAN NI KA POPOY LAGMAN!
REBOLUSYONARYONG PAGBATI SA LAHAT NG TUMATANGAN
SA APOY NG SULO NG PAKIKIBAKANG
SINULONG NI KA POPOY HANGGANG KAMATAYAN!
Nag-aalab na Pagbati ang ipinaaabot ng Komiteng Rehiyon ng Metro Manila Rizal ng Partido ng Manggagawang Pilipino!
Sa mga kaanak ni Ka Popoy, mga Lider Manggagawa - Anakpawis, Lider ng mga Unyon at Samahang Masa, mga Kadre at Kasapi ng Rebolusyonaryong Partido, Mabuhay ang inyong presensya sa paggunita sa mahalagang araw na ito!
Pagbati sa mga lider masa at mga rebolusyonaryong patuloy na tumatahak sa direksyon na tinahak ni Ka Popoy sa mahabang panahon! Ang buhay niyang inialay sa uri at rebolusyon ay nagsisilbing mitsa sa nagniningas na sulo ng paglaban ng uring manggagawa laban sa pagsasamantala ng Kapital.
Hindi mapipigilan ang pagbabago! Hindi mapipigilan ang motor ng tunggalian para sa bagong bukas, bagong sistemang lilikha sa pantay na relasyon sa lipunan.
Lalu na, na ang pagbabagong ito ay dinilig ng dugo, tulad ng kay Ka Popoy at marami pang mga martir sa rebolusyon ng uri at masa!
Pagkilala rin sa mga sakripisyo at pagbibigay ng maraming oras at panahon sa buhay ng bawat rebolusyonaryo at mulat sa uri na manggagawa. Ito ay nagsisilbing malakas na ihip ng hangin na nagpapaapoy sa nagbabagang aserong maso ng uring manggagawa!
Ang krisis ng kapital ay nagpapatuloy, papatindi, bumabangis ang estadong kumakatawan at tagapagtanggol ng sistemang ito, unti-unti namang nahuhubaran sa mata ng masang api ang oportunistang panlilinlang ng mga "ahente" ng kapital, bulok na pulitiko at pangakong hungkag nang naaagnas na sistema.
Ang mga kalagayang ito'y sa malaon at madali ay sasalubungin ng Partido, pampulitikang organisasyon, ng mga unyon at samahang masa nang malawakang panawagan at pagkilos para sa pagbabago at direktang pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan!
Gagawin ito sa militante-rebolusyonaryong kaparaanan na inihalimbawa sa buhay at pagkilos ni Ka Popoy.
Susulong ito sa pamamagitan ng nagkakaisang manggagawa, malakas at militanteng kilusang manggagawa, masang nakaorganisa sa mulat at palabang mga pampulitikang organisasyon, ng mga Bukluran ng rebolusyonaryong sosyalistang manggagawa, at higit sa lahat, Rebolusyonaryong Partido na may aserong bakal na disiplinang pang-organisasyon.
Ang malawak na masa naman ng uring manggagawa ay naghihintay nang magabayan sila sa direksyon ng pagsulong at mapagpasyang "bigwas" ng pagbabago at paglaya!
Ang paggunita sa kabayanihan ni Ka Popoy ay di na lamang pag-alala kundi pagbibigay inspirasyon sa bawat isang kumikilos at naglilingkod sa uri, mga lider unyon - samahan, sosyalistang manggagawa ng Buklod at mga kadre at kasapi ngPartido, na ito ang buhay. Ang buhay na tinahak din ni Ka Popoy.
Buhay na puno ng mga sakripisyo at inspirasyon, ng mga pakikibaka at tagumpay sa lahat ng aspeto!
Ang masa ng uring manggagawa ay naghihintay at palaging kasama habang nakatangan tayo sa tamang linya ng pagrerebolusyon!
Ang mga sakripisyo, pakikibaka at buhay na tatahakin pa ng mga kasama at masa, tulad ng buhay at pakikibaka ni Ka Popoy ay magiging malakas na ihip ng hanging magpapaapoy at magiging mitsa ng sulo ng paglaban at pakikibaka ng uri tungo sa kanyang ganap na rebolusyon!
Sulong sa Landas na Tinahak ni Ka Popoy!
Sulong sa Rebolusyonaryong Landas!
Rebolusyon Tungong Sosyalismo!
Komiteng Rehiyon ng Metro Manila - Rizal
Partido ng Manggagawang Pilipino
Pebrero 6, 2018, UP Diliman