PAMANA NI KA POPOY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
lumipas ang labing-apat na taon
ngunit aral mo'y sa diwa bumaon
habang namamahinga ka na roon
patuloy kaming nagrerebolusyon
kaya, Ka Popoy, hindi ka nawala
nariyan pa ang mga manggagawa
pinagpapatuloy ang iyong diwa
diwang hindi nailibing sa lupa
haligi ka ng sambayanang api
ng mga obrero't simpleng kawani
pagkat naiwan mong akda'y nagsilbi
sa manggagawang sa mundo'y kayrami
nasa langit ka man, buwan, o laot
malalalim na tanong ay nasagot
katwirang sa salapi'y bumaluktot
mga trapong may sakit na kurakot
pagkat mga akda mo kung basahin
pamana mo'y madaling unawain
sinliwanag ng araw ang sulatin
paliwanag mong kaysarap namnamin
saan ka man naroroon, Ka Popoy
binhing inihasik mo'y di naluoy
nag-ugat, nagbunga itong patuloy
at sanga-sanga itong sumusuloy
mga akda mo'y walang kamatayan
ikaw na lingkod ng sangkatauhan
gabay sa pagbabago ng lipunan
ang sosyalismong iyong tinanganan
6 Pebrero 2015