Lunes, Hulyo 19, 2010

Pagbabalik-Tanaw

Pagbabalik TanawSinulat ni Mona, dating manggagawa ng Temic na ngayon ay nasa New York na

mula sa: http://mulatkana.blogspot.com/2010/07/pagbabalik-tanaw.html
Thursday, July 8, 2010


Ilang taon na bang patay si Ka Popoy? Siyam, sampu? Ilang administrasyon na ba ang nakaraan, pero hanggang ngayon hindi pa rin nabibigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay. Tulad din ng napakadaming pinaslang dahil sa paglaban ng kanilang prinsipyo at paniniwala.

Sa tuwing makakabasa ako ng mga artikulo tungkol sa pinaslang na lider ng BMP, pakiramdam ko ba ay nagngangalit ang aking bagang. Hindi ko maipaliwanag ang galit na aking nararamdaman sa mga nagpatumba sa kanya. Napakarami kong akusasyong naririnig laban sa kanya noong siya ay nabubuhay pa. Mga akusasyon na wala namang mga batayan at konkretong ebidensiya. Mga samu't saring bintang. Mga urong na kaugaling Pilipino.

Sasabihin ng iba, bakit ba sobrang respeto ko ke Ka Popoy? Gusto ko itong sagutin sa artikulong ito. At sana ay mabasa ng mga galit at naghuhusga sa kanya. Noong panahon ng katindihan ng welga ng mga manggagawa ng TEMIC, at maglulunsad ng isang malaking mobilisasyon ay meron siya sa aming iminungkahi. Sa kabila ng aking pagkakaalam ng pagbaklas niya sa kabilang grupo, inatasan niya ako na makipag-usap sa ilang lider ng mga ito. "Isang hakbang upang pagkaisahin ang laban ng mga manggagawa".

Ibig sabihin, sa hakbang na iyon handa si Ka Popoy na kainin ang kanyang "pride", kapalit ng solidong pagsulong ng uring manggagawa. Palatandaan nang kalawakan ng isip, ng tunay na karakter ng isang tunay na lider ng masa. Ang paghingi namin ng tulong sa kabilang grupo ay maaaring isiping isang kahinaan naming mga welgista at ng grupong ng BMP sa panahon ng kagipitan. Bagama't napakatindi at hindi kayang pantayan ang ipinakitang pagkilos at pag aalsa ng mga manggagawa. Ngunit ipinakita ni Ka Popoy na ang laban ng uring manggagawa ay mas malaki at higit pa sa sarili at anumang hindi pagkakaunawaan.

Sa pakikipag-usap ko sa kabilang grupo, nagbigay sila ng kundisyon na tutulong lang kung hihiwalay kami o babaklas sa tulong ng Bukluran o BMP. Na noong panahon na iyon ay siyang nagbigay sa amin ng libreng serbisyong legal na walang kundisyon na kami ay magpapasailalim sa kanilang grupo.

Bumalik ako noon sa piket na laylay ang balikat. Pakiramdam ko ba ay iniwan ako ng isang kasintahan. Hindi ko maintindihan na ang problema ng uring manggagawa ay maisangtabi, dahil sa paksiyon, mga tsismis, galit at bintang. Sa isip ko parang wala dins iniba sa gobyerno. O ito ba ay kultura na wala talagang pagkakaisa ang mga Pilipino, na mga mistulang alimangong naghihilahan pababa at nagsisipitan.

Si Ka Popoy, nagkibit lang ng balikat. Hindi nga naman niya yun personal na kawalan. Kundi kawalan ng lahat ng inaaping uri. Ang sa kanya lang naman ay pagbabakasakaling interes para maibangon ang naghihingalong kalagayan ng mga manggagawa. Nagawa nga niyang halikan ang singsing sa kamay ni Kardinal Sin, sa harap ng pamunuan ng BMP at welgistang Temic. Sa layuning makuha ang simpatiya ng Kardinal para sa mga manggagawa. Sino kayang ateyista at rebolusyunaryo ang gagawa nito para sa kapakanan ng naaaping uri? Isang indikasyon ng kanyang karakter na "mas malaki ang laban ng manggagawa kaysa sa kanyang sarili."

Sa mga kilos-protesta ng mga welgista ng Temic, malimit makasabay ang kabilang grupo. Ang kanilang malahiganteng mobilisasyon. At nakakabingi ang kanilang sigaw at kantyaw ayon sa kanilang palagay laban kay Popoy. Nakatutok ang galit at bintang kay Popoy... mga insultong salita laban kay Popoy....na parang mas higit pa iyon sa pagbaboy at paglapastangan ng kapitalista sa karapatan naming mga welgista. Mas higit pa ba ang galit nila at bintang kaysa sa mahigit na isang libong manggagawa at ng aming mga nagugutom na pamilya?

Nakakalungkot. Matagal na pero parang itong sugat na hindi kayang hilumin ng panahon. Si Felimon Lagman para sa akin ay parang naging isang simbolo ng pagkakawatak watak ng bansa. Habang hindi nagkakaisa ang sambayanan, kaliwa, itaas man, kanan o gitna, hindi natin makakamit ang tunay na demokrasya. Katulad ng kasaysayan na kung saan ang Supremo ay ipinapatay mismo ng kapwa rebolusyunaryo. Kagaya din ni Ninoy na pinapaslang ng isang dayukdok na kababayan.

Hindi tayo ang magkakalaban. Hindi tayo ang dapat nag-iiringan at naghihilahan sa libingan. Mas higit na malaki ang problema ng sambayang naghahanap ng katarungan laban sa mapang-api at naghaharing uri.

Si Ka Popoy kung nasaan man siya, masasabi kong hindi nasayang ang kanyang buhay. Kung meron man siyang pagkukulang, natabunan na ito ng kanyang magiting na paninindigan sa paghanap ng katarungan para sa mga mahihirap. Sana sa mga nag-aakusa sa kanya, ilibing niyo na rin sa hukay ang inyong mga bintang at akusasyon na walang batayan.

"Ang tunay na magiting na lider o rebolusyunaryo ay humaharap sa kalaban ng may bayag. Walang takot kahit pa dumanak ang sariling dugo."