Lunes, Pebrero 22, 2010

Liham - May 28, 1994

LIHAM NG BAYANI
SA MGA KASAMA’T KAIBIGAN

(Ginunita ng mga kasama, kaibigan at kamag-anak ang ika-9 na taon ng pagkamatay ni Ka Popoy Lagman, bayani ng uring manggagawa, noong Pebrero 6, 2010. Bilang pagpupugay ng pahayagang Obrero sa kadakilaan ng bayani, inilathala rito ang isang sulat ni Ka Popoy sa mga kasama noong Mayo 28, 1994, dalawang araw matapos siyang madakip sa isang lugar sa Lunsod Quezon.)


May 28, 1994

Rebolusyonaryong pagbati sa lahat ng kasama't kaibigan,

Una sa lahat, humihingi ako ng paumanhin at pag-unawa sa aking pagkakabihag. Labis kong hinamon sa aking kapahangasan ang dambuhalang makinarya ng reaksyunaryong estado at minaliit ang pansariling kaligtasan.

Pero dapat makita na ginawa ko ito sa aking kagustuhang magampanan ang aking tungkulin anuman ang mga patibong ng kaaway. Alam na alam ko ang sinusuutan kong mga panganib. Pero may mga gawaing hindi makapaghihintay, mga tungkuling dapat gampanan. Hindi ako kagaya ng nagpapanggap na lider na nagpapasarap sa Utrecht habang ang mga kasama dito sa Pilipinas sa magkabilang panig - ay nangangahuli't nangangamatay.

Inaasahan ko sa inyong lahat na panatilihin ang diwang ito - na harapin ang lahat ng sakripisyo at peligro sa ikasusulong ng kapakanan ng masang anakpawis at sambayanang Pilipino habang pinag-iingatan ang sariling kaligtasan na siyang aking pagkukulang.

Nais ko ring tiyakin sa lahat na hawak man ako ng kamay n bakal ng kaaway, kailanman ay hindi nila mababali ang aking rebolusyonaryong paninindigan. Nagtagumpay man ang militar na ako'y bihagin, nananatiling malayang-malaya ang aking rebolusyonaryong diwa na nakayakap nang mahigpit sa ating simulain. Tinitiyak ko na hindi ko ipagpapalit ang aking prinsipyong pampulitika para lang sa personal na paglaya, bulukin man nila ako sa bilangguan o hatulan ng kamatayan.

Ngayon, higit kailanman, dapat patunayan na ang ating kilusan ay nakatindighindi sa paa ng naturingang mga lider kundi nakapader sa prinsipyo't simulain ng bawat isa sa atin. Ang kilusan ay susulong at magtatagumpay dahil ito'y tama't makatarungan, at ito'y hindi magagapi sa simpleng pagkakabihag ng sinuman - anuman ang katungkulan. Ang ating lakas ay nasa katumpakan ng ating ipinaglalaban. Tandaan natin ito, mga kasama!

Mabuhay kayong lahat!

Domeng